Ang ṭuhr ay ang kawalan ng babae ng dugo ng regla o nifās. Mayroon itong dalawang palatandaan. [Ang unang palatandaan ay] ang pagkahinto ng dugo. Nagtataguri rito ang mga faqīh ng katuyuan yayamang kung sakaling ang babae ay nagpasok ng isang pirasong tela sa ari niya, pagkatapos inilabas niya ito, tunay na ito ay lalabas na busilak na malinis. Ang ikalawang palatandaan ay ang pagkakita ng puting uhog (mucus),na isang puting likido na lumalabas sa ari ng babae at dumarating matapos ng pagwawakas ng regla.
Ang ghusl ay ang paghuhugas ng katawan sa kabuuan nito. Iyon ay sa pamamagitan ng pagbubuhos ng tubig sa buong katawan mula sa itaas ng ulo hanggang sa ibaba ng paa. Ang kinakailangan mula rito ay maging may layunin ng pag-aalis ng malaking ḥadath gaya ng janābah at regla para sa pagpapahintulot ng ṣalāh at iba pa rito. Ang ghusl ay maaaring maging may layunin ng pagpapakalapit [kay Allāh] at pagkakamit ng gantimpala, gaya ng itinuturing na kaibig-ibig na pagpaligo. Kabilang sa mga ito ang pagpaligo ng muḥrim sa sandali ng pagpasok sa Makkah, ang ghusl sa araw ng `īd, at ang tulad ng mga ito. Ito ay maaaring maging isang pinapayagang [gawain] gaya ng ghusl para sa pagpapakalinis.
Ang pagkukusang-loob ay ang isinabatas na mga pagtalima bilang karagdagan sa mga tungkulin at mga kinakailangan. Kabilang doon ang ṣalāh ng pagkukusang-loob. Ito ay ang lumabis sa mga ṣalāh na isinatungkulin na mga nāfilah at mga rātibah gaya ng qiyāmullayl, ṣalāh sa ḍuḥā, sunnah na walang-takda, at tulad niyon.
Ang ṣalāh na witr ay ang ṣalāh na ginagawa sa gabi sa pagitan ng ṣalāh sa `ishā' at ng pagsapit ng fajr (madaling-araw) at winawakasan sa pamamagitan nito ang ṣalāh sa gabi. Ang pinakamababa nito ay iisang rak`ah. Walang hangganan para sa pinakamataas nito. Ang itinuturing na kaibig-ibig ay ang pagiging 11 rak`ah nito. Tinawag ito na gayon dahil ang bilang ng mga rak`ah nito ay witr, ibig sabihin: gansal, na maaaring isa o tatlo o lima at tulad niyon.
Nagsisigasig ang Islām sa pagkakaisa ng mga Muslim at pagtutulungan nila sa mga pagtalima. Dahil dito nagsabatas si Allāh (pagkataas-taas Siya) para sa atin ng mga pagsambang pangkonggregasyon, na hindi nakapagsasagawa ng mga ito ang tao nang namumukod, gaya ng pagpapayo, pag-uutos ng nakabubuti at pagsaway ng nakasasama, at [pagsasagawa ng] ḥajj. Kabilang doon ang ṣalāh sa jamā`ah para sa limang ṣalāh. Mayroon itong maraming kabutihang-dulot. May nasaad na maraming patunay sa pagkakailangan nito sa sandali ng kawalan ng maidadahilan.
Ang iḥrām ay ang layunin ng pagpasok sa isa sa nusuk (gawaing pagsamba) maging ito ay ḥajj o `umrah. Ang kahulugan niyon ay na ang tao ay naglayon ng pagpasok sa ḥajj o `umrah yayamang ipagbabawal sa kanya ang dating ipinahihintulot sa kanya gaya ng pangangaso, nikāḥ, pabango, at iba pa roon.
1. Ang pagsasaling literal. Ito ay ang pagliliwat mula sa isang wika patungo sa iba pa kalakip ng pananatili sa anyong literal ng salita o pagkakasunud-sunod ng pahayag. 2. Ang pagsasalin ng mga kahulugan ng pananalita. Ito ay ang paghahayag tungkol sa pananalita sa pamamagitan ng mga salitang naglilinaw sa mga kahulugan nito at mga pakay nito. Ang pagsasalin dito ay nasa antas ng paglilinaw.
Ang buwan ng Ramaḍān ay ang ikasiyam na buwan mula sa mga buwan ng pang-hijrah na taon, na sumusunod sa buwan ng Sha`bān at nauuna sa buwan ng Shawwāl. Natatangi ang buwan ng Ramaḍān sa iba pang mga buwan sa isang kabuuan ng mga patakaran at mga kalamangan. Kabilang sa mga ito ang pagbaba ng Qur'ān dito, ang pagkakailangan ng pag-aayuno rito, ang laylatulqadr dito, ang ṣalāh na tarāwīḥ, ang pag-iibayo ng mga pabuya rito.
Ang mga sunnah rātibah ay ang mga ṣalāh na sunnah na nauuna sa mga [ṣalāh na] tungkulin at sumusunod sa mga iyon yayamang isinasagawa ang mga ito bago ng mga iyon at matapos ng mga iyon. Ang mga ito ay ang mga pinamamalagi noon ng Propeta (basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan) kasama ng limang ṣalāh. Ang bilang ng mga ito ay 12 rak`ah: 4 rak`ah bago ng ṣalāh sa đuhr at 2 rak`ah matapos nito, 2 rak`ah matapos ng [ṣalāh sa] maghrib, 2 rak`ah matapos ng [ṣalāh sa] `ishā', 2 rak`ah bago ng ṣalāh sa fajr.
Ang salitang āmīn ay kabilang sa mga pananalita ng panalangin na isinasagawa matapos ng mga panalangin, maging ito man ay sa ṣalāh o sa labas nito dahil ang mananampalataya ay humiling mula kay Allāh (pagkataas-taas Siya) na tugunin ang panalangin niya.
Ang qiblah ay ang direksiyon ng nagdarasal sa sandali ng pagdarasal niya. Ito, sa ganang mga Muslim, ay ang Itinampok na Ka`bah. Noong bago ng paglikas ng Sugo ni Allāh (basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan), ang qiblah ay ang Jerusalem sa Palestina, na ibinibilang na una sa dalawang qiblah. Ang qiblah ay maaaring ang Ka`bah mismo para sa malapit na nakakikita nito o ang dako nito para sa malayo.
Ang [pagdalangin ng] basbas sa Propeta (basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan) ay isang dakilang pagsamba. Ito ay isang pagpaparangal sa kanya at isang pagtatampok mula kay Allāh (pagkataas-taas Siya). Kabilang sa mga anyo ng pananalita nito ay ang pagsabi ng: "Ṣalla -llāhu `alayhi wa sallam (Basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan)." Ang pinakamaikli na sasapat ay ang pagsabi ng: "Allāhumma, ṣalli `alā Muḥammad (O Allāh, basbasan Mo si Muḥamad)." Ang pinakamainam dito ay ang ṣalāh ibrāhīmīyah. Ito ay ang pagsabi ng: "Allāhumma ṣalli `alā muḥammadin wa `alā āli Muḥammad, kamā ṣallayta `alā ibrāhīma wa `alā āli ibrāhīm, innaka ḥamīdum majīd. Allāhumma bārik `alā muḥammadin wa `alā āli muḥammad, kamā bārakta `alā ibrāhīma wa `alā āli ibrāhīm, innaka ḥamīdum majīd. (O Allāh, basbasan Mo si Muḥammad at ang mag-anak ni Muḥammad gaya ng pagbasbas Mo kay Abraham at sa mag-anak ni Abraham; tunay na Ikaw ay Kapuri-puri, Maluwalhati. O Allāh, pagpalain Mo si Muḥammad at ang mag-anak ni Muḥammad gaya ng pagpapala Mo kay Abraham at sa mag-anak ni Abraham; tunay na Ikaw ay Kapuri-puri, Maluwalhati.)" Ang kahulugan ng: "O Allāh, basbasan mo siya" ay "ipagbunyi Mo siya sa Pinakamataas na Konseho sa piling ng mga anghel na pinalapit [sa Iyo].
Ang ṭalāq ay ang paghihiwalay ng mag-asawa sa isang paraang pangsharī`ah sa pamamagitan ng pag-aalis sa ugnayan ng kasal at bigkis ng pagkamag-asawa, maging ito man ay pangkabuuan, gaya ng sa diborsiyada nang tatlong ulit sa ṭalāq bā'in (diborsiyong naghihiwalay), o pambahagi (partial), gaya ng sa ṭalāq raj`īy (diborsiyong makababalik). Ang tinutukoy ng nikāḥ dito ay ang tumpak na nikāḥ. Hinggil naman sa tiwali o walang-saysay na nikāḥ, hindi natutumpak dito ang ṭalāq, gaya ng ṭalāq ng sinumang hindi naman nakasal. Inoobliga para sa pagkalag ng bigkis na ito sa pagitan ng mag-asawa ang pagbigkas ng isang pananalita. Ito ay dalawang uri: 1. Mga pananalitang tahasan. [Ito ay] gaya ng pagbigkas ng ṭalāq (diborsiyo) at anumang nahahango rito, tulad ng: ṭallaqtuki (diniborsiyo kita), o anti ṭāliq (ikaw ay diniborsiyo), o anti muṭallaqah (ikaw ay diborsiyada). 2. Mga pananalitang hindi tahasan. Ito ay mga pananalita ng pagpapasaring. Isinasakundisyon dito ang pagkakaroon ng layunin ng ṭalāq. Nagkakaiba-iba ito ayon sa pagkakaiba-iba ng mga kaugalian. Halimbawa: "Ito na ang katapusan natin," o "Layuan mo na ako," o "Malaya ka na."
Ang dhikr ay pagsamba ng dila at puso. Ito ay kabilang sa pinakamadali sa mga gawain at mga pagtalima. Naglalaman ito ng pagbubunyi ng tao sa Panginoon niya (kamahal-mahalan Siya at kapita-pitagan), maging ito man ay sa pamamagitan ng pagpapabatid tungkol sa sarili ni Allāh o mga katangian Niya o mga gawain Niya o mga patakaran Niya o sa pamamagitan ng pagbigkas mula sa Aklat Niya o sa pamamagitan ng paghingi sa Kanya at pagdalangin sa Kanya o pagpapasimula ng pagbubunyi sa kanya sa pamamagitan ng pagbabanal sa Kanya, pagpaparingal sa Kanya, pagpapahayag ng kaisahan Niya, pagpupuri sa Kanya, pagpapasalamat sa Kanya, pagdakila sa Kanya, o sa pamamagitan ng pagdalangin ng basbas sa Sugo Niya (basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan). Lahat ng iyon sa paraan ng pagpapakalapit-loob kay Allāh at paghiling ng gantimpala Niya.
Ang mga oras ng ṣalāh ay ang mga panahong itinakda ng Tagapagbatas para sa pagsasagawa ng ṣalāh. Ang mga ito ay tatlong uri. 1. Mga oras ng pagkakailangan, gaya ng mga oras ng mga ṣalāh na isinatungkulin. Ang mga ito ay limang oras: A. Oras ng ṣubḥ (fajr), na nagsisimula mula sa totoong madaling-araw hanggang sa pagsikat ng araw; B. Oras ng đuhr, na nagsisimula mula sa paglihis ng araw [mula sa katanghaliang-tapat] hanggang sa ang anino ng isang bagay ay maging singhaba nito; C. Oras ng `aṣr, na nagsisimula mula sa oras na ang anino ng isang bagay ay maging singhaba na nito hanggang sa lumubog ang araw; D. Oras ng maghrib, na nagsisimula mula paglubog ng araw hanggang sa maglaho ang takip-silim; E. Oras ng `ishā', na nagsisimula mula paglaho ng takip-silim hanggang sa kalagitnaan ng gabi at umaabot sa sandali ng pangangailangan sa pagsapit ng totoong madaling-araw. 2. Mga oras ng pagkaturing na kanais-nais, gaya ng mga oras ng mga ṣalāh na sunnah. Ang mga ito ay marami. Kabilang sa mga ito ang tinakdaan ayon sa Batas gaya ng witr, na ang oras nito ay mula ng matapos ng ṣalāh ng `ishā' hanggang sa pagsapit ng madaling-araw. Kabilang din dito ang hindi tinakdaan gaya ng nalalabi sa mga walang-takdang nāfilah. 3. Mga oras na sinasaway ang mga walang-takdang nāfilah. Ang mga ito ay lima: A. Sa sandali ng pagsikat ng araw hanggang sa nakaangat ito; B. Sa sandali ng katanghaliang-tapat o kalagitnaan ng maghapon kapag ang araw ay nasa gitna ng langit; C. Sa sandali ng paninilaw-nilaw ng araw hanggang sa paglubog nito; D. Matapos ng oras ng fajr hanggang sa pagsikat [ng araw]; E. Matapos ng ṣalāh sa `aṣr hanggang sa paglubog [ng araw].
Ang qabr ay ang kauna-unahan sa mga yugto ng Kabilang-buhay. Ito ay maaaring isang hardin mula sa mga hardin ng Paraiso o maaaring isang hukay mula sa mga hukay ng Impiyerno. Ito ay bawat lugar na pinaglilibingan ng bangkay ng patay. Ang tinutukoy rito ay ang pagtatakip sa bangkay ng patay at ang pangangalaga sa karangalan upang hindi mapinsala ang mga tao sa amoy nito at mapigilan ang mga mabangis na hayop sa paghuhukay nito para hindi makaya ng mga ito na makain ang bangkay.
Ang mga jinn ay mga nilikha mula sa apoy at mga naaatangan [ng tungkulin]. Kabilang sa kanila ang mananampalataya at ang tagatangging sumampalataya. Ang shayṭān ay isang katawagan sa jinn na tumangging sumampalataya kabilang sa mga jinn. Ang pagiging hinango ng [katawagang] ito mula sa [salitang] shaṭan, na nangangahulugang lumayo, ay tumpak dahil sa kawalang-pananampalataya niya, pagkalayo niya sa katotohanan, at paghihimagsik niya; at ang pagiging hinango ng [katawagang] ito mula sa [salitang] shāṭa, na nangangahulugang nasunog, ay tumpak dahil siya ay nilikha mula sa isang apoy.
Ang pagpapakabuti sa mga magulang ay ang pagtalima sa kanilang dalawa, ang pakikipag-ugnay sa kanilang dalawa, ang kawalan ng kasuwailan sa kanilang dalawa, ang paggawa ng maganda sa kanilang dalawa, at ang pagpapakita ng pag-ibig at paggalang sa kanilang dalawa kasabay ng paggawa ayon sa pagpapalugod sa kanilang dalawa sa pamamagitan ng ninanais nilang dalawa hanggat hindi naging isang kasalanan. Ang tinutukoy ng mga magulang ay ang ama at ang ina at sumasakop din ito sa mga lolo at mga lola, maging sila man ay mga Muslim o mga di-Muslim. Bahagi ng pagpapakabuti sa kanilang dalawa matapos ng pagkamatay nila ang pagpaparangal sa kaibigan nilang dalawa at mga kasamahan nilang dalawa.
Bawat lipunan ay may pagbati na nagiging isang adhikaing natatangi para sa kanila, na maaaring mula sa relihiyon nila o mula sa mga nakagawian nila at mga kaugalian nila. Ang pagbati ng Islām ay ang salām (kapayapaan). Nagturo nga nito si Allāh kay Adan(sumakanya ang pagbati ng kapayapaan). Nagbigay-buhay naman dito at nanatili rito ang mga Muslim. Ito ay isang pagbating pumupukaw sa kapanatagan at katiwasayan sa puso ng tumatanggap nito, kalakip ng pagiging isang panalangin ng kaligtasan at isang paghiling ng kabutihan. Dito ay may pagpapalaganap ng pangalan ni Allāh (pagkataas-taas Siya) na As-Salām. Ang pamamaraan nito ay: As-salāmu `alaykum wa raḥmatu -llāhi wa barakātuh (Ang kapayapaan ay sumainyo at ang awa ni Allāh at ang mga pagpapala Niya), sa pagpapaabot nito. Dito ay may 30 ḥasanah (magandang gawa) sa pinakakaunti. Ang pagpapaabot nito ay itinuturing na kaibig-ibig, at may nagsasabi ng pagkakailangan nito. Ang pagtugon naman sa salām ay kinakailangan. Nangyayari ang pagtugon sa alinmang paraan mula sa tatlong pamamaraan. HIndi kinakailangan na ang pormularyo ng pagtugon ay umaalinsunod sa pormularyo ng pagpapaabot. Kaya kung sakaling nagsabi ang pumapasok, halimbawa: As-salāmu `alaykum wa raḥmatu -llāhi, pinapayagan para sa iyo na tumugon sa pamamagitan ng pagsabi mo ng: Wa `alaykumu -s-salām dahil ito ay isang pagtugon. Subalit ang pormularyong pinakakumpleto ay ang pinakamainam at ang pinakamaganda. Kung sakaling nagkita ang isang pangkat sa isang pangkat o isang indibiduwal, tunay na sasapat na tumugon sa salām ang isa sa kanila. Kung paanong isinasabatas ang pagbati ng salām sa sandali ng pagpasok sa pagtitipon, gayon din, isinasabatas ito sa sandali ng paglisan. Ang salām ay may maraming patakaran at etiketa.
Ang ṭahārah ay dalawang uri: A. Ṭahārah mula sa ḥadath. Ito ay ang pag-aalis sa humahadlang sa ṣalāh na ḥadath at ang pagtanggal nito. Tinatawag ito na ṭahārah na pangkahatulan o espirituwal. Nababahagi ito sa dalawang bahagi: 1. Malaking Ṭahārah. Ito ay sa pamamagitan ng paghuhugas sa lahat ng mga bahagi ng katawan para sa pag-aalis ng malaking ḥadath mula sa janābah, regla, at nifās. Tinatawag ito na ghusl (paligo). 2. Maliit na Ṭahārah. Ito ay sa pamamagitan ng paghuhugas sa ilan sa mga bahagi ng katawan para sa pag-aalis ng maliit na ḥadath, gaya ng paglabas ng ihi at utot. Tinatawag ang ṭahārah sa kalagayang ito na wuḍū'. Maipapalit sa dalawang ito ang tayammum sa sandali ng kawalan ng tubig o sa sandali ng kawalang-kakayahan sa paggamit nito. Ito ay kabilang sa ṭahārah na pangkahatulan. B. Ṭahārah mula sa khabath. Ito ay ang pagpapakadalisay at ang pagpapakalinis mula sa nalalabi sa mga karumihan na umiiral sa tao o kasuutan o lugar gaya ng ihi, tae, at tulad nito. Tinatawag ito na pisikal o materyal na ṭahārah.
Ang istighfār ay isang dakilang pagsamba maging ito man ay kalakip ng pagkatamo ng pagkakasala o wala nito. Maaaring mangahulugan ito nang namumukod-tangi kaya kumakasing-kahulugan ito sa pagbabalik-loob (tawbah), ang pagkalas sa pagkakasala sa pamamagitan ng puso at mga bahagi ng katawan. Maaaring mangahulugan ito nang nakaugnay sa pagbabalik-loob kaya ang kahulugan ng istighfār ay ang paghiling ng pagsanggalang sa kasamaan ng nagdaan at ang tawbah naman ay ang pagbabalik [kay Allāh] at ang paghiling ng pagsanggalang sa kasamaan ng anumang pinangangambahan niya sa hinaharap mula sa mga masagwa sa mga gawa niya. Nasaad ang istighfār sa sarisaring anyo gaya ng pagsabi ng: "Rabbi -ghfir lī (Panginoon ko, magpatawad ka sa akin.)", pagsabi ng: "Astaghfiru -llāh (Humihingi ako ng tawad kay Allāh.)", at iba pa sa mga ito na mga anyo.
Ang ṣalāh sa Biyernes ay isang ṣalāh na nakahiwalay mismo, na sumasalungat sa [ṣalāh sa] đuhr sa lakas ng pagbigkas, bilang [ng mga rak`ah], [pagkakaroon ng] sermon (khuṭbah), at mga kundisyong isinasaalang-alang para rito, at umaayon dito sa oras. Itinuturing na kaibig-ibig na bigkasin sa unang rak`ah ang Sūrah Al-Jumu`ah at sa ikalawang rak`ah naman ang Sūrah Al-Munāfiqun, o ang pagbigkas ng Sūrah Al-A`lā sa unang rak`ah at Sūrah Al-Ghāshiyah sa ikalawang rak`ah.
Ang ṣalāh na nāfilah ay ang idinagdag sa mga ṣalāh na isinatungkulin. Nahahati ito sa tinukoy at walang-takda. 1. Ang ṣalāh na nāfilah na tinukoy. Ito ay ang nauugnay sa kadahilanan gaya ng pagbati sa masjid o nauugnay sa oras gaya ng ṣalāh sa [oras ng] ḍuḥā, mga ṣalāh na rātibah, at iba pa sa mga ito. 2. Ang ṣalāh na nāfilah na hindi tinukoy. Ang mga ito ay ang mga nāfilah na hindi nauugnay sa isang kadahilanan ni sa isang oras. Ang mga ito ay nasa hindi mga oras ng pagbabawal [ng ṣalāh].
Ang pagsabi ng nagdarasal ng: "Rabbanā wa laka -lḥamd (Panginoon namin! Ukol sa Iyo ang papuri)."
Ang pagpapatirapa ng pagkalingat ay isang katawagan sa dalawang patirapa na gaya ng pagpapatirapa sa ṣalāh sa anyo at sinasambit. Naoobliga ito sa munfarid at imām kapag may naganap na isang kadahilanan mula sa mga kadahilanan ng pagkalingat. Ang pagsasagawa nito ay bago ng taslīm kung nalingat dahil sa isang pagkukulang at matapos ng taslīm kung nalingat dahil sa isang pagkalabis. Ang mga kadahilanan ng pagpapatirapa ng pagkalingat ay tatlo: ang pagkadagdag, ang pagkakulang, at ang pagdududa.
Ang zakāh ay isang pagsambang kapita-pitagan at isa sa mga haligi ng Islām at mga dakilang estruktura nito. May dulot itong mga kapakanang marami para sa indibiduwal at lipunan. Kumakatawan ito sa pagsasagawa ng isang tungkuling inobliga sa mga ari-ariang natatangi maging ang mga ito man ay nakalantad tulad ng mga hayupan, mga pananim, mga bunga, mga paninda ng kalakal; o nakakubli tulad ng ginto, pilak, at salapi. Hindi kinakailangan ang zakāh sa iba pa roon tulad ng mga sinasakyan at mga isinusuot. Ang pagsasagawa ng tungkuling ito ay ayon sa isang pamamaraang itinangi. Iyon ay sa pamamagitan ng paglalayon na ang ilalabas ay ang zakāh na kinakailangan para sa isang pangkating itinangi. Sila ay ang walong uri na nasaad ang pagbanggit sa kanila sa Marangal na Qur'ān kabilang sa mga maralita, mga dukha, mga nagkakautang na nawalang-kakayahan sa pagbayad sa mga utang nila, mga manggagawa sa pagkalap ng zakāh, napalulubag-loob ang mga puso, sa pagpapalaya ng mga alipin at mga bihag, ayon sa landas ni Allāh kabilang sa mga mandirigmang nagkukusang-loob para sa pakikibaka, at mga manlalakbay na naubos ang panggugol nila. Ang zakāh ay may mga kundisyon at mga niṣāb na kilala.
Ang ṣadaqah ay ang ibinibigay ng tao sa mga maralita dahil sa paghahangad ng gantimpala ni Allāh (pagkataas-taas Siya), hindi ang pagpaparangal para magpalabas ng regalo o kaloob na naglalayon dahil dito ng pagmamahal. Sinasabing ang ṣadaqah sa pinag-ugatang kahulugan ay para sa ikinukusang-loob at ang zakāh naman ay para sa isinasatungkulin. Maaaring tawagin ang [bigay na] isinasatungkulin bilang ṣadaqah din dahil ang tagapagbigay nito ay naghangad ng ṣidq (katapatan) sa gawa niya. Ang [pagbibigay ng] ṣadaqah ay isang patunay sa katumpakan ng pananampalataya ng tagapagsagawa nito at ng pagpapatotoo rito.
Ang pamamaraan ng pagpapaligo ng patay ay na ilagay ang patay sa ibabaw ng papag o tabla na inihanda para rito. Ang kinalalagyan ng ulo nito ay higit na mataas upang damalusdos ang tubig o sa aling paglalagyang magiging madali. Bago magsimula ang tagapagpaligo ng pagpapaligo niya, mag-aalis siya ng najāsah sa patay, pagkatapos huhugasan niya ito ng wuḍū' para sa ṣalāh ngunit hindi siya magpapasok ng tubig sa bibig nito ni sa ilong nito. Kung sa bibig at ilong [ng patay] ay may dumi, aalisin niya ito sa pamamagitan ng isang pirasong tela na babasain niya at ilalagay niya sa daliri niya saka ipupunas niya sa mga ngipin nito at ilong nito hanggang sa malinis niya ang mga ito. Matapos ng wuḍū', ihihiga niya ito sa kaliwang tagiliran nito saka huhugasan ang kanang tagiliran. Pagkatapos ibabaling ito sa kanang tagiliran saka huhugasan ang kaliwang tagiliran. Iyon ay matapos ng tatlong paghuhugas ng ulo nito at balbas nito. Ang kinakailangan sa paghuhugas ng patay ay isang ulit. Itinuturing na kaibig-ibig na hugasan ito nang tatlong ulit, na sa bawat paghuhugas ay sa pamamagitan ng tubig at sidr o anumang maipapalit sa sidr na mga uri ng sabon. Maglalagay rito sa katapusan ng alkampor. Kung hindi naging madali ito, ang iba pa rito gaya ng pabango ay magagamit kung posible. Kung itinuring ng tagapagpaligo na magdagdag sa tatlong paghuhugas dahil ang mga ito ay hindi nakapagpalinis o dahil sa iba pang dahilan, huhugasan niya ito ng lima o pitong ulit. Itinuturing na kaibig-ibig na hindi siya titigil malibang sa gansal [na bilang ng paghuhugas].
Ang paglilibing ay kabilang sa mga karapatan ng patay sa mga buhay na ipinarangal ni Allāh (pagkataas-taas Siya) sa tao. Ito ay ang pagkukubli ng bangkay ng patay sa isang hukay sa ilalim ng lupa kung saan hahadlang ito sa paghukay at pag-abot ng mga mabangis na hayop sa bangkay at hindi lalabas ang amoy ng patay mula rito bilang pangangalaga sa karangalan niyon at upang hindi makapinsala sa mga buhay. Ang pamamaraan ng paglilibing ay ilapag ito sa kanang tagiliran nito na nakaharap sa qiblah habang nagsasabi ang tagalapag nito: "Bismi -llāhi wa `alā millati rasūli -llāh (Sa ngalan ni Allāh at ayon sa kapaniwalaan ng Sugo ni Allāḥ)." Pagkatapos kakalagin ang mga pagkakatali ng kafn, tatakpan ang laḥd ng tabla, papasakan ang mga siwang ng kimpal ng putik o kawayan o iba pa roon upang hindi lumusot ang lupa sa patay.
Ang kahubaran ay kabilang sa mga bagay na nangalaga ang Tagapagbatas sa pag-iingat nito ayon sa isang masidhing pangangalaga at napaloloob sa ilalim ng isang pangkalahatang prinsipyo: ang pag-iingat sa dangal. Ito ay dalawang uri: A. Kahubaran sa loob ng ṣalāh, na tinatawag na kahubaran sa ṣalāh: ang kinakailangan takpan sa ṣalāh; B. Kahubaran sa labas ng ṣalāh, na tinatawag na kahubaran sa tingin: ang kinakailangan takpan at hindi ilantad mula sa katawan sa labas ng ṣalāh.
Ang `umrah ay kabilang sa pinakadakila sa mga pagsamba at pinakamainam sa mga pagtalima, na nagpapakalapit-loob ang Muslim sa pamamagitan nito kay Allāh (pagkataas-taas Siya). Ito ay kinakailangan isang ulit sa buong buhay. Ito ay pagsasagawa ng iḥrām sa mīqāt, pagkatapos ay ṭawāf, pagkatapos ay sa`y, pagkatapos ay pagpapaahit o pagpapaiksi [ng buhok]. Ito ay dalawang uri: 1. `Umrah na namumukod-tangi, na nagaganap sa alinmang araw ng taon; at 2. `Umrah ng tamattu` [na ḥajj], na hindi nangyayari maliban sa mga buwan ng ḥajj.
Ang mga sinawata ay sumasaklaw sa bawat sinaway at pinigilan ng Tagapagbatas kabilang sa mga ipinagbabawal na pinarurusahan ang tagagawa ng mga ito at ginagantimpalaan ang tagapag-iwan ng mga ito. Kabilang sa mga katawagan ng sinawata ay ang ipinagbabawal, ang pagsuway, at ang pagkakasala.
Ang ṣalāh ay ang pagpapakalapit kay Allāh (pagkataas-taas Siya) sa pamamagitan ng pagsambang kilala. Ito ay ang mga gawaing nalalaman na [binubuo ng] pagtayo, pag-upo, pagyukod, at pagpapatirapa, at ang mga gawaing natatangi na [binubuo ng] pagbigkas [ng Qur'ān], pagsambit ng dhikr, at iba pa roon, na pinasisimulan ng takbīratul’iḥrām at winawakasan ng taslīm. Isinasagawa ito sa mga oras na itinakda at may mga kundisyong natatangi gaya ng ṭahārah, pagharap sa qiblah, at iba pa roon. Ang pamamaraan ng ṣalāh sa isang pagbubuod ay na magsagawa [ang nagdarasal] ng takbīratul’iḥrām habang nagsasabi ng Allāhu akbar, habang nag-aangat ng mga kamay niya hanggang sa mga balikat o mga tainga. Pagkatapos maglalagay siya ng kanang kamay niya sa ibabaw ng kaliwang kamay na nasa dibdib niya. Bibigkas siya ng du`a'ul'istiftāḥ (panalangin ng pagsisimula), pagkatapos ay ng Sūrah Al-Fātiḥah, pagkatapos ay ng anumang madali mula sa Qur'ān. Pagkatapos ay magsasagawa siya ng takbīr habang nag-aangat ng mga kamay niya, yuyukod siya, maglalagay siya ng mga kamay niya sa mga tuhod niya, magpapakatiwasay siya habang nakayukod, magsasabi siya ng: "Subḥāna rabbiya -l`ađīm (Kaluwalhatian sa Panginoon ko ang Dakila)," mag-uulit-ulit siya nito, at magdaragdag ng anumang nasaad. Mag-aangat siya ng ulo niya hanggang sa makatindig at magpapakatiwasay siya habang nakatayo. Magsasabi ang imām at ang munfarid ng: "Sami`a -llāhu liman ḥamidah (Nakarinig si Allāh sa sinumang nagpuri sa Kanya)," magsasabi naman ang lahat ng: "Rabbanā wa laka -lḥamd (Panginoon namin, at ukol sa Iyo ang papuri)," at magdaragdag ng anumang nasaad. Pagkatapos bababa siya habang nagpapatirapa habang nagsasagawa ng takbīr at magpapatirapa siya sa pitong bahagi ng katawan nya: ang mga dulo ng dalawang paa, ang dalawang tuhod, ang dalawang palad, at ang noo. Magpapakatiwasay siya sa pagpapatirapa niya, magsasabi siya ng: "Subḥāna rabbiya -l'a`lā (Kaluwalhatian sa Panginoon ko ang Pinakamataas)," mag-uulit-ulit nito, at magdaragdag ng anumang nasaad. Pagkatapos uupo siya habang nagsasagawa ng takbīr at maglalagay siya ng mga palad niya sa mga hita niya o mga tuhod niya. Magpapakatiwasay siya habang nakayukod at magsasabi siya ng: "Rabbi -ghfir lī rabbi -ghfir lī (Panginoon ko, magpatawad Ka sa akin; Panginoon ko, magpatawad Ka sa akin).” Pagkatapos magpapatirapa siya muli. Pagkatapos mag-aangat siya ng ulo niya, tatayo siya, at bibigkas siya ng Sūrah Al-Fātiḥah at isa pang sūrah. Gagawin niya ang tulad sa ginawa sa unang rak`ah. Kung ang ṣalāh ay dalawang rak`ah, uupo siya matapos ng ikalawang pagkakaupo gaya ng pag-upo sa pagitan ng dalawang pagkakapatirapa at bibigkas ng tashahhud: "Attaḥīyātu lillāhi wa ṣṣalawātu wa ṭṭayyibāt, assalāmu `alayka ayyuha nnabīyu wa raḥmatu llāhi wa barakātuh, assalāmu `alaynā wa `alā `ibādi llāhi ṣṣāliḥīn, ashhadu an lā ilāha illa llāh, wa ashhadu anna muḥammadan `abduhu wa rasūluh (Ang mga pagbati ay ukol kay Allāh, at ang mga dasal at mga kaaya-ayang gawa. Ang kapayapaan ay sumaiyo, O Propeta, at ang awa ni Allāh at ang biyaya Niya. Ang kapayapaan ay sumaatin at sa mga maayos na lingkod ni Allāh. Sumasaksi ako na walang Diyos kundi si Allāh at sumasaksi ako na si Muhammad ay Lingkod Niya at Sugo Niya)." Pagkatapos ay bibigkas siya ng ṣalāh ibrāhīmīyah: Allāhumma ṣalli `alā muḥammadin wa `alá āli muḥammad, kamā ṣallayta `alā ibrāhīma wa `alā āli ibrāhīm, innaka ḥamīdum majīd. Allāhumma bārik `alā muḥammadin wa `alā āli muḥammad, kamā bārakta `alā ibrāhīm, innaka ḥamīdum majīd (O Allāh, basbasan Mo si Muḥammad at ang mag-anak ni Muḥammad gaya ng pagbasbas Mo kay Abraham at sa mag-anak ni Abraham; tunay na Ikaw ay Kapuri-puri, Maluwalhati. O Allāh, pagpalain Mo si Muḥammad at ang mag-anak ni Muḥammad gaya ng pagpala Mo kay Abraham at sa mag-anak ni Abraham; tunay na Ikaw ay Kapuri-puri, Maluwalhati). Pagkatapos ililingon niya ang mukha niya sa kanan habang nagsasabi ng: "Assalāmu `alaykum wa raḥmatu -llāh (Ang kapayapaan ay sumainyo at ang awa ni Allāh)" at sa kaliwa [at magsasabi] ng tulad niyon. Kung ang ṣalāh ay higit sa dalawang rak`ah, tunay na siya ay tatayo para sa ikatlong rak`ah at gagawin ang gaya sa ginawa sa ikalawang rak`ah nang walang pagbigkas ng isang sūrah matapos ng Sūrah Al-Fātiḥah. Sa ikaapat na rak`ah din ay gagawin ang tulad niyon.
Ang [pagbibigay ng] zakātul fiṭr ay isang pagsamba na isinabatas ni Allāh (pagkataas-taas Siya) para sa mga lingkod Niya matapos ng pag-aayuno sa Ramaḍān. Ito ay paggugol ng isang takal na ṣā` ng pagkain na karaniwang kinakain ng mga naninirahan sa bayan [ng bibigyan] buhat sa bawat indibiduwal na Muslim, maging siya man ay lalaki o babae, o bata o matanda. Inoobliga nito ang padre de pamilya [na magbigay] para sa bawat sinumang itinataguyod niya bilang pagdadalisay sa nag-aayuno mula sa [nagawang] kalokohan at kahalayan, bilang pagpapakain sa mga dukha, bilang pagbibigay-kasapatan sa kanila laban sa panghihingi sa araw na iyon, bilang pagpapasok ng galak sa kanila sa isang araw na pinagagalak ang mga Muslim ng pagdating ng `īd sa kanila. Ang oras ng pagkakailangan nito ay ang paglubog ng araw ng huling araw ng Ramaḍān. Ang pinakamainam sa oras ng paglalabas nito ay bago ng ṣalāh ng `īdul fiṭr. Pinapayagan ang paglalabas nito isang araw o dalawang araw bago ng `īd. Isasagawa ang qaḍā' kung hindi naipalabas ito sa oras nito. Ibibigay ito sa mga maralita at mga dukha. Ang kantidad nito sa ganang karamihan ng mga maalam ay isang ṣā` ng trigo o sebada (barley) o harina ng dalawang ito o datiles o pasas. Ang ṣā ay apat na salok ng [magkadikit na] mga kamay ng lalaking hindi malaki ang mga kamay at hindi maliit. Tinaya ito ng Al-Lujnah Ad-Dā’imah (Ang Permanenteng Lupon) sa mga fatwā nito na katumbas sa tatlong kilogramo humigit-kumulang. Nasaad sa magasin ng Al-Bhuḥūth Al-Islāmīy (Ang mga Pananaliksik Pang-Islām) na ang kantidad nito ay 2.6 kilogramo humigit-kumulang.
Ang zakāh ng dalawang salapi (ginto at pilak) ay ang paglalabas ng isang nalalamang halaga. Ito ay 1/40 (2.5%) ng ginto o pilak at anumang hinango sa dalawang ito na dirham, dinar, mga salapi, mga alahas, mga bara (ng ginto o pilak), at iba pa, at anumang isinama sa kanila na mga salaping papel. Ang pagbibigay nito ay sa mga maralita at mga dukha at tulad nila kabilang sa mga karapat-dapat sa zakāh, kapag umabot ang ginto sa niṣāb. Ang kantidad ng niṣāb [ng ginto] ay 20 dinar, na nakatutumbas sa 85 gramo, at ang kantidad ng niṣāb ng pilak ay 200 dirham, na nakatutumbas ng 595 gramo, at lumipas sa pagmamay-ari ng dalawang ito ang pagdaan ng isang buong taon.
Ang pagdalaw sa mga libingan ng mga Muslim ay isang pagsambang isinasabatas kapag ito ay may layon nga pagsasaalaala ng Kabilang-buhay, pagdidilidili ng kamatayan, alang-alang sa paghingi ng tawad para sa mga patay, at pagdalangin ng awa para sa kanila. Ang pagdalaw sa mga libingan ng mga hindi Muslim ay pinapayagan [kapag] may pakay ng pagsasaalaala lamang nang walang panalangin. Ang pagdalaw sa mga libingan ay tatlong uri: 1. Pagdalaw na maka-sunnah. Kapag ito ay alang-alang sa pagsasaalaala at pagdidilidili at may pakay ng paghingi ng tawad para sa mga patay at pagdalangin ng awa sa kanila. 2. Pagdalaw na makashirk. [Ito ay] gaya ng pagdalaw sa mga libingan nang may pakay ng pagdalangin sa mga patay at paghiling ng pakinabang mula sa kanila o pag-aalay sa kanila at tulad niyon. 3. Pagdalaw na maka-bid`ah. [Ito ay] gaya ng pagdalaw sa libingan ng patay dala ng pagpapalagay mula sa tagadalaw nito na ang pagdalangin kay Allāh (pagkataas-taas Siya) sa tabi ng libingan ay higit na marami sa pakinabang at higit na malapit sa pagsagot.
Ang `Āshūrā' ay ang ikasampung araw ng buwan ng Muḥarram. Nagsaad ang Sunnah ng pagkaisinasabatas ng pag-aayuno rito, na ito ay nagtatakip-sala sa mga pagkakasala ng isang taong nakalipas. Ang tinutukoy ng mga pagkakasala ay ang maliliit. Kung wala siyang maliliit na kasalanan, inaasahan ang pagpapagaan sa malalaking kasalanan. Ang pagpapagaang iyon ay nakatalaga sa kabutihang-loob ni Allāh (pagkataas-taas Siya). Kung wala siyang malalaking kasalanan, iaangat para sa kanya ang mga antas. Hinggil naman sa nangyayaring pagdiriwang, paglalagay ng kuḥl (antimonya) sa mata, pagkukulay ng hena, pagpapasagana sa mag-anak sa araw ng ikasampu [ng Muḥarram] at gabi nito, nagtuturing ang karamihan ng mga may kaalaman ng pagka-bid`ah niyon dahil walang napatunayan sa kainaman ng araw na ito na mga gawain maliban sa pag-aayuno lamang.
Ang pakikipaglibing sa patay ay kabilang sa mga kagandahan ng Islām sa pagpaparangal sa patay na Muslim. Nangangahulugan ito ng pagdadala ng patay, pagsama rito mula sa lugar ng pagyao nito hanggang sa lugar ng paghuhugas dito, pagkatapos ay ang pagdarasal para rito, pagkatapos ay ang paglilibing dito. Maaaring makipaglibing dito sa ilan sa mga yugtong ito lamang, lalo na ang paglalakad sa paghahatid dito sa lugar ng paglilibingan nito. Sinasamahan iyon ng pagdalangin para rito at paghingi ng tawad, at paghimok ng pagtitiis at pakikiramay sa mag-anak ng patay. Ang pabuya [sa Kabilang-buhay] ng sinumang nakipaglibing mula sa simula hanggang sa paglilibing ay dalawang qīrāṭ ng mga magandang gawa na tulad ng dalawang malaking bundok, na ang pinakamaliit sa dalawa ay tulad ng bundok ng Uḥud. Ang sinumang nagdasal para rito at sumunod dito hanggang sa mailibing ito, magkakaroon siya ng isang buong qīrāṭ [na pabuya].
Ang limang ṣalāh ay ang mga ṣalāh na inobliga ni Allāh (pagkataas-taas Siya) sa mga lingkod Niya limang ulit sa isang araw. Ang mga ito ay ang mga ṣalāh sa đuhr, `aṣr, maghrib, `ishā’, at fajr. Napagtibay nga ang pagkakinakailangan ng mga ito sa Qur'ān, Sunnah, at Ijmā`. Ang mga ito ay kinakailangang nalalamang bahagi ng Relihiyon, na tumatangging sumampalataya ang tagapagkaila nito at ang tagapag-iwan nito dala ng pagwawalang-bahala. Ito ay ang pinakamahalaga sa mga tungkulin at ang pinakamainam sa mga ito matapos ng dalawang pagsaksi (shahādatān). Ito ang ikalawang haligi mula sa Limang Haligi ng Islām. Ang ṣalāh, noong unang isinatungkulin ni Allāh sa mga lingkod Niya, ay limampung ulit sana nang ipinanik ang Propeta nating si Muḥammad (basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan) [sa langit]. Pagkatapos pinagaan ito sa limang ulit ni Allāh para sa mga lingkod Niya dahil sa pamamagitan ng Propeta nating si Muḥammad (basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan). Kaya ito ay limang ulit sa gawain at limampung ulit sa gantimpala.
Ang mga Ipinagbabawal sa iḥrām ay ang mga gawain o ang mga kalagayang ipinagbabawal ang paggawa ng mga ito sa iḥrām. Ang mga ito ay siyam: ang pag-aahit ng buhok, ang pagputol ng mga kuko, ang pagsusuot ng tinahi, ang pagtatakip ng ulo, ang paggamit ng mabango, ang pagpatay ng ligaw na hayop at ang pagtataboy nito, ang pagdaraos ng kasal, ang pakikipagniig dahil sa isang pagnanasa kahit walang pagtatalik, at ang pagtatalik [mismo]. Ang babae ay gaya ng lalaki malibang ang iḥrām ng babae ay nasa mukha niya. Ang babae ay maaaring magsuot ng tinahi subalit siya ay hindi magsusuot ng niqāb at guwantes. Maaari siyang maglagay ng suot niya mula sa ibabaw ng ulo niya, na tatakip sa tingin ng mga lalaking estranghero (hindi maḥram). Ang sinumang nagsagawa ng anuman mula sa mga ito habang siya ay muḥrim (nasa sandali ng iḥrām), may pagdedetalye rito. Ang pakikipagtalik ay nakasisira sa nusuk (ḥajj o `umrah), kung naganap ito sa `umrah bago ng paglubos nito o naganap ito sa ḥajj bago ng ikalawang taḥallul. Kailangan sa kanya ang magkumpleto ng nusuk, pagkatapos ang mag-ulit nito sa isang bagong iḥrām maging ḥajj man ito o `umrah, at ang mag-alay ng panakip-sala (kaffārah), na isang badnah (pagkatay ng kamelyo) sa ḥajj o isang shāh (tupa) sa `umrah para sa mga maralita ng Makkah. Hinggil naman sa pangangaso, ang ganti [sa paglabag na ito] ay mag-alay ng tulad nito mula sa mga hayupan (baka o kamelyo) o mag-ayuno o magkawanggawa. Hinggil naman sa pagdaraos ng kasal, nakasisira ito [ng ḥajj] at walang panakip-sala (kaffārah) rito. Hinggil naman sa pagputol ng mga kuko, pagputol ng buhok, pagpapabango, pagtatakip ng ulo, at pagsusuot ng tinahi, mayroon itong pantubos (fidyah) sa pinsala: ang pagkakatay ng isang shāh (tupa) o ang pagpapakain ng anim na dukha o ang pag-aayuno ng anim na araw.
Ang wuḍū' ay ang paggamit ng tubig na naipandadalisay (ṭaḥur) – ang tubig na dalisay (ṭāhir) sa sarili nito at tagapagdalisay ng iba – sa mga itinakdang bahagi [ng katawan]: ang mukha, ang mga kamay, ang mga paa, at ulo, at ang pagpapaabot ng tubig sa mga ito ayon sa isang itinakdang paraan. Ito ay ang paghuhugas ng mukha, mga kamay, mga paa, at ang pagpapahid sa ulo nang may layunin ng pagsamba kay Allāh (pagkataas-taas Siya), maging ito man ay para sa pag-alis ng ḥadath o pagpapanibago ng ṭahārah o iba pa rito. Ang pamamaraan ng pagsasagawa ng lubos na wuḍū' ay na magsimula ang tao sa tasmiyah kaya magsasabi siya ng: "bismi -llāh (sa ngalan ni Allāh)." Maghuhugas siya ng mga kamay niya dahil siya ay hahawak sa mga ibang bahagi ng katawan sa pamamagitan ng mga ito. Ang Propeta (basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan) noon, kapag nagsimula siya ng wuḍū' niya, ay nagbubuhos ng tubig sa mga kamay niya at naghuhugas ng mga ito bago magpasok ng mga ito sa lalagyan [ng tubig]. Tinitiyak niya ang paghuhugas ng mga kamay pagkagising mula sa pagkatulog. Pagkatapos nagmumumog siya, sumisinghot siya [ng tubig], at nagsisinga siya [ng tubig na sininghot]. Ang pagmumumog (maḍmaḍah) ay ang magpasok ng tubig sa bibig at ang magpagalaw nito, pagkatapos ang magpalabas nito. Ang pagsinghot (istinshāq) ay ang pagpapasok ng tubig sa ilong. Ang pagsinga (istinthār) ay ang pagpapalabas nito mula sa ilong. Pagkatapos naghuhugas siya ng mukha niya. Pagkatapos naghuhugas siya ng mga kamay niya mula sa mga dulo ng mga daliri hanggang sa mga siko niya at isinasama niya ang mga siko sa paghuhugas. Nagsisimula siya sa kanang kamay at isinisingit niya [ang mga daliri] sa kabilang mga daliri. Pagkatapos binabasa niya ang mga palad niya at ipinapahid niya ang mga ito sa ulo niya nang isang ulit, sinasaklaw niya sa pamamagitan ng mga ito ang ulo niya. Ang tinutukoy ng pagsaklaw ay ang magpahid sa buong ulo at hindi ang magpaabot ng tubig sa bawat buhok. Ang pinakamainam ay ang maglagay ng mga palad niya sa unahan ng ulo niya pagkatapos padadaanin ang mga ito papuntang batok niya at pababalikin muli hanggang sa unahan ng ulo niya. Ang babae ay gaya ng lalaki roon. Pagkatapos naghuhugas siya sa mga paa niya. Nagsisimula siya sa kanang paa niya saka hinuhugasan niya ito hanggang sa bukungbukong, pagkatapos hinuhugasan niya ang kaliwang paa gayon din. Ipinapasok niya ang mga daliri [ng kamay] sa mga daliri ng mga paa. Ginagawa niya ang lahat ng iyon nang isa o dalawa o tatlong ulit maliban sa pagpapahid sa ulo sapagkat isang ulit [lamang ito].
Ang ṣalāh sa `Idul fiṭr at `Idul ’adḥā ay isang gawain kabilang sa mga gawain ng Islām. Isinasagawa ang ṣalāh na ito sa dalawang rak`ah sa isang malakas na pagbigkas sa araw ng `Idul fiṭr, ang unang araw ng buwan ng Shawwāl, at sa araw ng `Idul ’adḥā, ang ikasampung araw ng buwan ng Dhul ḥijjah. Sumasapit ang oras ng ṣalāh ng `Idul fiṭr at `Idul ’adḥā sa sandali ng pag-angat ng pantay sa sibat o dalawang sibat, na oras ng pagpapahintulot sa ṣalāh na nāfilah, at nagtatapos ito bago ng paghilig ng araw palayo sa kalagitnaan ng langit, bago ng ṣalāh sa ṣalāh nang kaunti. Natatangi ito sa nakasanayang ṣalāh sa pagkakaroon ng mga dagdag na takbīr sa simula ng bawat rak`ah.
Ang ṣalāh sa janāzah ay ṣalāh na may takbīratul’iḥrām, mga takbīr, taslīm, na walang pagyukod (rukū`) at walang pagpapatirapa (sujūd), na dinadasal para sa patay na Muslim (na hindi martir (shahīd), ang napatay sa isang pakikipaglaban sa mga tagatangging sumampalataya). Iyon ay matapos ng pagpapaligo sa patay at pagbabalot nito sa kafn, at bago ng paglilibing dito. Ang pamamaraan nito ay magsasagawa ng takbīratul’iḥrām ang nagdarasal, pagkatapos bibigkas siya ng Sūrah Al-Fātiḥah, pagkatapos magsasagawa siya ng takbīr, pagkatapos bibigkas siya ng ṣalawāt sa Propeta (basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan), pagkatapos bibigkas siya ng takbīr, pagkatapos dadalangin siya para sa patay ayon sa nasaad sa Sunnah na mga panalanging naisalaysay o mga panalanging ipinahihintulot, pagkatapos magsasagawa siya ng takbīr sa ikaapat na pagkakataon, at magsasagawa ng taslīm. Kung loloobin niya ay mananalangin para sa matapos na matapos ng ikaapat na takbīr at bago ng taslīm.
Ang pag-aayuno ay isang dakilang pagsamba. Kabilang dito ang pag-aayuno sa Ramaḍān na isang haligi kabilang sa mga haligi ng Islām. Nagsisimula ito sa pagsikat ng totoong madaling-araw at nagwawakas ito sa paglubog ng araw. Hindi ito nahahati-hati. Kaya ang sinumang nawalang-kakayahan sa pag-aayuno sa yugtong ito at nakakaya ng pag-aayuno hanggang sa tanghali [lamang], hindi isinasabatas iyon para sa kanya at lilipat siya [mula sa pag-aayuno] sa pagpapakain. Ang napagkaisahang nakasisira sa pag-aayuno ay ang pagkain, ang pag-inom, at ang pakikipagtalik. Ang pag-aayuno ng kusang-loob ay maraming uri, na ang pinakamainam sa mga ito ay pag-aayuno sa isang araw at pagtigil-ayuno sa isang araw.
Ang mga pakay ng Sharī`ah ay ang mga layunin at ang mga kahulugan na dinala ng Sharī`ah, pinatunayan nito sa mga patakaran, at ipinanawagan nito ang pagsasakatuparan sa mga iyon, ang pagpapairal sa mga iyon, at ang pangangalaga sa mga iyon sa bawat panahon at lugar. Nahahati ang mga pakay, sa pagsasaalang-alang sa mga kapakanan na naghatid ng pangangalaga sa mga ito, sa tatlong bahagi: 1. Ang mga pakay na kinakailangan, ang hindi maiiwasan mula sa mga ito sa pagsasagawa sa mga kapakanan ng [buhay sa] Relihiyon at Mundo sa paraang kapag nawala ang mga ito ay magaganap ang katiwaliang mabigat at kumakatawan ang mga ito sa pag-iingat sa limang kabuuan: ang relihiyon, ang isip, ang sarili, ang supling, at ang ari-arian. 2. Ang mga pakay na pampangangailangan, ito ay ang kapag hindi naisakatuparan ang mga ito ay magaganap ang pagkaasiwa at ang pahirap sa tao. 3. Ang mga pakay na pampagpapahusay, ang nagpapahusay sa kalagayan ng tao at nagpapakumpleto sa pamumuhay niya sa pinakamahusay na mga kalagayan, na tinatawag na mga pakay na kakumpletuhan o pampagpapakumpleto o mga pangkumpleto.
Ang pagkakatay ng hayop ay ang pagpapadaloy ng dugo ng hayop o ang pagpapadanak nito at ang pagbuhos nito sa pamamagitan ng pagbibigay-kamatayan dito. Ang pagkakatay ay may dalawang paraan: maaaring sa pamamagitan ng pagputol sa lalamunan (ḥulqūm) at esopago (marī') – at tinatawag na dhabḥ [sa wikang Arabe ang pagkatay na ito] – o sa pamamagitan ng pagtaga rito sa [tinatawag sa wikang Arabe na] labbah, ang bahaging nasa pagitan ng leeg at dibdib – at tinatawag na naḥr [sa wikang Arabe ang pagkatay na ito]. Ang pinakakaunti [na gagawin] sa dhabḥ ay ang pagputol sa lalamunan, ang daluyan ng hininga, at esopago, ang daluyan ng pagkain at inumin. Ang pinakamataas [na gagawin] ay ang pagputol sa dalawang ito kasama ng dalawang jugular vein (wadj), ang dalawang ugat sa magkabilaang gilid ng leeg. Ang dhabḥ at ang naḥr ay sa sandali ng kakayahan sa [karaniwang pagkatay] ng hayop. Ang ikalawang paraan ay sa pamamagitan ng pagtusok sa isang bahagi mula sa mga bahagi ng katawan nito. Ang paraang ito ay natatangi sa kalagayan ng pagtakas ng hayop at kawalan ng kakayahan [sa karaniwang pagkatay] rito. Lahat ng ito ay kalakip ng pagbanggit ng pangalan ni Allāh sa kapwa pamamaraan.
Ang pagyukod ay kabilang sa mga panggawaing haligi ng ṣalāh. Mayroon itong dalawang paraan: 1. Ang pagbaluktot ng likod sa paraang nakakaya ng tao ang paghawak ng mga kamay niya sa mga tuhod niya. 2. Ang pagbaluktot kalakip ng pagtukod ng mga kamay sa mga tuhod, ng pagpapahiwa-hiwalay ng mga daliri ng kamay, ng pagpapalayo sa pagitan ng mga kamay at mga tagiliran [ng katawan], at ng pagtutuwid ng likod nang walang pag-aangat ng ulo o pagbababa nito. Ang paraang ito ay ang pinakakumpleto. Ang pagyukod ay may dalawang kalagayan: 1. Ang kalagayan na ang nagdarasal ay nakatayo bago ng pagyukod. Ito ang tinutukoy sa pagtataguri [ng pagyukod]. 2. Ang kalagayan na siya ay yumuyukod palayo sa pagkakaupo. Ito ay ang pagyukod [mula sa pagkakaupo at pagtayo] para pumantay ang noo sa mga tuhod.
Ang pagtatakip sa kahubaran (`awrah) ng tao ay ang pagbabalot ng anumang pangit ang paglantad niyon, ikinahihiya [na malantad] iyon, at hindi pinapayagan ang paglalantad niyon mula sa katawan ng tao, kahit pa man mag-isa sa dilim, kung makakaya. Ang pagtatakip ng kahubaran ay dalawang uri: 1. Ang pagtatakip ng kahubaran sa loob ng ṣalāh. Ito ay sa pamamagitan ng pagtatakip ng anumang nasa pagitan ng pusod at tuhod kaugnay sa lalaki at sa pamamagitan ng pagtatakip ng buong katawan maliban sa mukha at mga kamay kaugnay sa babae. Ang isinasaalang-alang kaugnay roon ay na ang kasuutan ay nakatatakip sa katawan sa nakasanayang tingin kung saan hindi lumilitaw ang kulay ng kutis. 2. Ang pagtatakip ng kahubaran sa labas ng ṣalāh. Ito ay sa pamamagitan ng pagtatakip ng anumang nasa pagitan ng pusod at tuhod kaugnay sa lalaki. Hinggil naman sa babae, mayroon siyang apat na kalagayan: A. Ang pagtatakip ng buong katawan sa harap ng estranghero. B. Ang pagtatakip ng buong katawan maliban sa anumang nakalitaw sa kanya sa karaniwan sa gawain sa loob ng bahay gaya ng ulo, leeg, kamay, at tulad ng mga ito. Ito ay sa harapan ng mga maḥram at mga babae. C. Na siya ay walang takip. Ito ay sa piling ng asawa niya.
Ang kapanatagan ay ang pamamalagi ng mga kasukasuan at mga bahagi ng katawan sa kinalalagyan ng mga ito sa isang sandali. Ang pinakakaunti nito ay ang pagkakaroon ng katiwasayan sa paraang naituturing ito sa nakaugalian bilang napapanatag. Sinabi: [Ito ay] ang paglaho ng pagkilos ng mga bahagi ng katawan sa isang maikling panahon. Sinabi: Ito ay kasukat ng [haba ng] dhikr na kinakailangan sa haligi [ng ṣalāh], gaya ng sukat ng [haba ng] isang tasbīḥ, halimbawa. Ang nabanggit sa dalawang pahayag na ito ay hindi natatangi sa gawain ng gumagawa ng masagwa sa ṣalāh niya, na inutusan nga na mag-ulit ng ṣalāh.
Ang masjid ay lugar na inilaan alinsunod sa pagsasagawa ng ṣalāh sa magpawalang-hanggan at palagian at sa dhikr, panalangin, pagpapakaunawa sa relihiyon, at pagmamasid sa mga kalagayan ng Kalipunan. Isinasagawa ang adhān dito para sa ṣalāh at hinaharapan ang dako ng qiblah. Yayamang ang pagpapatirapa ay pinakamarangal sa mga gawain ng ṣalāh dahil sa kalapitan ng tao sa Panginoon niya, hinango ang pangalan ng lugar mula rito, kaya tinawag ito na masjid (patirapaan). Ang mga hangganan ng masjid ay ang pumaligid dito na estruktura o mga kahoy o mga kawayan o tulad niyon. Ang mga masjid ay pinakamainam sa mga lugar sa Lupa. Taglay ng mga ito ang kahalagahan ng mga ito at ang kainaman ng mga ito sa ganang kay Allāh (pagkataas-taas Siya). Mayroong mga masjid na itinangi ni Allāh (pagkataas-taas Siya) sa mga katangian at mga kalamangan na wala sa iba sa mga ito. Ang mga ito ay tatlo: Al-Masjid al-Ḥarām (Ang Masjid na Pinakababanal) sa Makkah, Al-Masjid an-Nabawīy (Ang Masjid na Pampropeta) sa Al-Madinah An-Nabawiyyah, at Al-Masjid Al-Aqṣā (Ang Masjid na Pinakaliblib) sa Al-Quds.
Ang ṣalāḥ ay ang tukod ng relihiyon at ang pinakadakila sa mga haligi ng Islām matapos ng shahādatān. Ang sinumang nangalaga rito, siya ang maligaya. Ang sinumang nagsayang nito at nagpabaya nito, siya ang malumbay na mapagmatigas. Nag-utos nga si Allāh ng pangangalaga rito at nag-utos Siya ng pagpapanatili nito sa maraming talata [ng Qur'ān]. Ang tagapag-iwan nito nang sadyaan ay nahahantad sa kaparusahan ni Allāh (pagkataas-taas Siya), pagkainis Niya, at panghihiya Niya sa Mundo at Kabilang-buhay. Ang pag-iwan sa ṣalāḥ nang sadyaan ay nahahati sa dalawang bahagi: 1. Ang pag-iwan sa ṣalāḥ kalakip ng pagkakaila sa pagkakailangan nito. Ito ay kawalang-pananampalataya. 2. Ang pag-iwan sa ṣalāḥ dala ng pagwawalang-bahala at katamaran hanggang sa pumasok ang oras ng ṣalāḥ na matapos nito. Ito rin ay kawalang-pananampalataya ayon sa mga tahas na malinaw na patunay. Ito ay ang pahayag nina `Umar, `Alīy, at Jābir (malugod si Allāh sa kanila), at ng iba pa sa kanila kabilang sa mga Kasamahan [ng Propeta]. May nasaad din ayon sa kanila na mga tumpak na isnād. Walang nalalaman na iisang Kasamahan na nagsabi ng kasalungatan niyon. Nagsaysay ng pagkakaisa ng pahayag ng mga Kasamahan hinggil doon ang hindi iisa sa mga maalam. Ang ikalawang pahayag ay na ito ay isang malaking kasalanan at isang mabigat na pagkakasala at pinapatay ang tagapag-iwan nito subalit hindi siya nagiging tagatangging sumampalataya. Ito ay ang doktrina (madhhab) ng Mālikīyah at Shāfi`īyah. Ang ikatlong pahayag ay na ito ay isang malaking kasalanan at isang mabigat na pagkakasala at na ang tagapag-iwan ay ikukulong hanggang sa mamatay o magbalik-loob subalit siya ay hindi nagiging tagatangging sumampalataya. Ito ay ang doktrina ng Ḥanafīyah. Hinggil naman sa nakaiwan nito dahil sa isang maidadahilan kabilang sa mga maidadahilan, gaya ng pagkatulog o pagkalimot o iba pa rito, hanggang sa nakalabas ang oras nito, siya ay mabibigyang-dahilan at kailangan sa kanya ang bayad-pagsasagawa rito kapag nakaalaala siya nito.