Ang ṭuhr ay ang kawalan ng babae ng dugo ng regla o nifās. Mayroon itong dalawang palatandaan. [Ang unang palatandaan ay] ang pagkahinto ng dugo. Nagtataguri rito ang mga faqīh ng katuyuan yayamang kung sakaling ang babae ay nagpasok ng isang pirasong tela sa ari niya, pagkatapos inilabas niya ito, tunay na ito ay lalabas na busilak na malinis. Ang ikalawang palatandaan ay ang pagkakita ng puting uhog (mucus),na isang puting likido na lumalabas sa ari ng babae at dumarating matapos ng pagwawakas ng regla.
Ang ghusl ay ang paghuhugas ng katawan sa kabuuan nito. Iyon ay sa pamamagitan ng pagbubuhos ng tubig sa buong katawan mula sa itaas ng ulo hanggang sa ibaba ng paa. Ang kinakailangan mula rito ay maging may layunin ng pag-aalis ng malaking ḥadath gaya ng janābah at regla para sa pagpapahintulot ng ṣalāh at iba pa rito. Ang ghusl ay maaaring maging may layunin ng pagpapakalapit [kay Allāh] at pagkakamit ng gantimpala, gaya ng itinuturing na kaibig-ibig na pagpaligo. Kabilang sa mga ito ang pagpaligo ng muḥrim sa sandali ng pagpasok sa Makkah, ang ghusl sa araw ng `īd, at ang tulad ng mga ito. Ito ay maaaring maging isang pinapayagang [gawain] gaya ng ghusl para sa pagpapakalinis.
Ang ṭalāq ay ang paghihiwalay ng mag-asawa sa isang paraang pangsharī`ah sa pamamagitan ng pag-aalis sa ugnayan ng kasal at bigkis ng pagkamag-asawa, maging ito man ay pangkabuuan, gaya ng sa diborsiyada nang tatlong ulit sa ṭalāq bā'in (diborsiyong naghihiwalay), o pambahagi (partial), gaya ng sa ṭalāq raj`īy (diborsiyong makababalik). Ang tinutukoy ng nikāḥ dito ay ang tumpak na nikāḥ. Hinggil naman sa tiwali o walang-saysay na nikāḥ, hindi natutumpak dito ang ṭalāq, gaya ng ṭalāq ng sinumang hindi naman nakasal. Inoobliga para sa pagkalag ng bigkis na ito sa pagitan ng mag-asawa ang pagbigkas ng isang pananalita. Ito ay dalawang uri: 1. Mga pananalitang tahasan. [Ito ay] gaya ng pagbigkas ng ṭalāq (diborsiyo) at anumang nahahango rito, tulad ng: ṭallaqtuki (diniborsiyo kita), o anti ṭāliq (ikaw ay diniborsiyo), o anti muṭallaqah (ikaw ay diborsiyada). 2. Mga pananalitang hindi tahasan. Ito ay mga pananalita ng pagpapasaring. Isinasakundisyon dito ang pagkakaroon ng layunin ng ṭalāq. Nagkakaiba-iba ito ayon sa pagkakaiba-iba ng mga kaugalian. Halimbawa: "Ito na ang katapusan natin," o "Layuan mo na ako," o "Malaya ka na."
Ang ṭahārah ay dalawang uri: A. Ṭahārah mula sa ḥadath. Ito ay ang pag-aalis sa humahadlang sa ṣalāh na ḥadath at ang pagtanggal nito. Tinatawag ito na ṭahārah na pangkahatulan o espirituwal. Nababahagi ito sa dalawang bahagi: 1. Malaking Ṭahārah. Ito ay sa pamamagitan ng paghuhugas sa lahat ng mga bahagi ng katawan para sa pag-aalis ng malaking ḥadath mula sa janābah, regla, at nifās. Tinatawag ito na ghusl (paligo). 2. Maliit na Ṭahārah. Ito ay sa pamamagitan ng paghuhugas sa ilan sa mga bahagi ng katawan para sa pag-aalis ng maliit na ḥadath, gaya ng paglabas ng ihi at utot. Tinatawag ang ṭahārah sa kalagayang ito na wuḍū'. Maipapalit sa dalawang ito ang tayammum sa sandali ng kawalan ng tubig o sa sandali ng kawalang-kakayahan sa paggamit nito. Ito ay kabilang sa ṭahārah na pangkahatulan. B. Ṭahārah mula sa khabath. Ito ay ang pagpapakadalisay at ang pagpapakalinis mula sa nalalabi sa mga karumihan na umiiral sa tao o kasuutan o lugar gaya ng ihi, tae, at tulad nito. Tinatawag ito na pisikal o materyal na ṭahārah.
Ang qiblah ay ang direksiyon ng nagdarasal sa sandali ng pagdarasal niya. Ito, sa ganang mga Muslim, ay ang Itinampok na Ka`bah. Noong bago ng paglikas ng Sugo ni Allāh (basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan), ang qiblah ay ang Jerusalem sa Palestina, na ibinibilang na una sa dalawang qiblah. Ang qiblah ay maaaring ang Ka`bah mismo para sa malapit na nakakikita nito o ang dako nito para sa malayo.
Ang mga jinn ay mga nilikha mula sa apoy at mga naaatangan [ng tungkulin]. Kabilang sa kanila ang mananampalataya at ang tagatangging sumampalataya. Ang shayṭān ay isang katawagan sa jinn na tumangging sumampalataya kabilang sa mga jinn. Ang pagiging hinango ng [katawagang] ito mula sa [salitang] shaṭan, na nangangahulugang lumayo, ay tumpak dahil sa kawalang-pananampalataya niya, pagkalayo niya sa katotohanan, at paghihimagsik niya; at ang pagiging hinango ng [katawagang] ito mula sa [salitang] shāṭa, na nangangahulugang nasunog, ay tumpak dahil siya ay nilikha mula sa isang apoy.
Ang kahubaran ay kabilang sa mga bagay na nangalaga ang Tagapagbatas sa pag-iingat nito ayon sa isang masidhing pangangalaga at napaloloob sa ilalim ng isang pangkalahatang prinsipyo: ang pag-iingat sa dangal. Ito ay dalawang uri: A. Kahubaran sa loob ng ṣalāh, na tinatawag na kahubaran sa ṣalāh: ang kinakailangan takpan sa ṣalāh; B. Kahubaran sa labas ng ṣalāh, na tinatawag na kahubaran sa tingin: ang kinakailangan takpan at hindi ilantad mula sa katawan sa labas ng ṣalāh.
Ang wuḍū' ay ang paggamit ng tubig na naipandadalisay (ṭaḥur) – ang tubig na dalisay (ṭāhir) sa sarili nito at tagapagdalisay ng iba – sa mga itinakdang bahagi [ng katawan]: ang mukha, ang mga kamay, ang mga paa, at ulo, at ang pagpapaabot ng tubig sa mga ito ayon sa isang itinakdang paraan. Ito ay ang paghuhugas ng mukha, mga kamay, mga paa, at ang pagpapahid sa ulo nang may layunin ng pagsamba kay Allāh (pagkataas-taas Siya), maging ito man ay para sa pag-alis ng ḥadath o pagpapanibago ng ṭahārah o iba pa rito. Ang pamamaraan ng pagsasagawa ng lubos na wuḍū' ay na magsimula ang tao sa tasmiyah kaya magsasabi siya ng: "bismi -llāh (sa ngalan ni Allāh)." Maghuhugas siya ng mga kamay niya dahil siya ay hahawak sa mga ibang bahagi ng katawan sa pamamagitan ng mga ito. Ang Propeta (basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan) noon, kapag nagsimula siya ng wuḍū' niya, ay nagbubuhos ng tubig sa mga kamay niya at naghuhugas ng mga ito bago magpasok ng mga ito sa lalagyan [ng tubig]. Tinitiyak niya ang paghuhugas ng mga kamay pagkagising mula sa pagkatulog. Pagkatapos nagmumumog siya, sumisinghot siya [ng tubig], at nagsisinga siya [ng tubig na sininghot]. Ang pagmumumog (maḍmaḍah) ay ang magpasok ng tubig sa bibig at ang magpagalaw nito, pagkatapos ang magpalabas nito. Ang pagsinghot (istinshāq) ay ang pagpapasok ng tubig sa ilong. Ang pagsinga (istinthār) ay ang pagpapalabas nito mula sa ilong. Pagkatapos naghuhugas siya ng mukha niya. Pagkatapos naghuhugas siya ng mga kamay niya mula sa mga dulo ng mga daliri hanggang sa mga siko niya at isinasama niya ang mga siko sa paghuhugas. Nagsisimula siya sa kanang kamay at isinisingit niya [ang mga daliri] sa kabilang mga daliri. Pagkatapos binabasa niya ang mga palad niya at ipinapahid niya ang mga ito sa ulo niya nang isang ulit, sinasaklaw niya sa pamamagitan ng mga ito ang ulo niya. Ang tinutukoy ng pagsaklaw ay ang magpahid sa buong ulo at hindi ang magpaabot ng tubig sa bawat buhok. Ang pinakamainam ay ang maglagay ng mga palad niya sa unahan ng ulo niya pagkatapos padadaanin ang mga ito papuntang batok niya at pababalikin muli hanggang sa unahan ng ulo niya. Ang babae ay gaya ng lalaki roon. Pagkatapos naghuhugas siya sa mga paa niya. Nagsisimula siya sa kanang paa niya saka hinuhugasan niya ito hanggang sa bukungbukong, pagkatapos hinuhugasan niya ang kaliwang paa gayon din. Ipinapasok niya ang mga daliri [ng kamay] sa mga daliri ng mga paa. Ginagawa niya ang lahat ng iyon nang isa o dalawa o tatlong ulit maliban sa pagpapahid sa ulo sapagkat isang ulit [lamang ito].
Ang pagtatakip sa kahubaran (`awrah) ng tao ay ang pagbabalot ng anumang pangit ang paglantad niyon, ikinahihiya [na malantad] iyon, at hindi pinapayagan ang paglalantad niyon mula sa katawan ng tao, kahit pa man mag-isa sa dilim, kung makakaya. Ang pagtatakip ng kahubaran ay dalawang uri: 1. Ang pagtatakip ng kahubaran sa loob ng ṣalāh. Ito ay sa pamamagitan ng pagtatakip ng anumang nasa pagitan ng pusod at tuhod kaugnay sa lalaki at sa pamamagitan ng pagtatakip ng buong katawan maliban sa mukha at mga kamay kaugnay sa babae. Ang isinasaalang-alang kaugnay roon ay na ang kasuutan ay nakatatakip sa katawan sa nakasanayang tingin kung saan hindi lumilitaw ang kulay ng kutis. 2. Ang pagtatakip ng kahubaran sa labas ng ṣalāh. Ito ay sa pamamagitan ng pagtatakip ng anumang nasa pagitan ng pusod at tuhod kaugnay sa lalaki. Hinggil naman sa babae, mayroon siyang apat na kalagayan: A. Ang pagtatakip ng buong katawan sa harap ng estranghero. B. Ang pagtatakip ng buong katawan maliban sa anumang nakalitaw sa kanya sa karaniwan sa gawain sa loob ng bahay gaya ng ulo, leeg, kamay, at tulad ng mga ito. Ito ay sa harapan ng mga maḥram at mga babae. C. Na siya ay walang takip. Ito ay sa piling ng asawa niya.