Ang ṭuhr ay ang kawalan ng babae ng dugo ng regla o nifās. Mayroon itong dalawang palatandaan. [Ang unang palatandaan ay] ang pagkahinto ng dugo. Nagtataguri rito ang mga faqīh ng katuyuan yayamang kung sakaling ang babae ay nagpasok ng isang pirasong tela sa ari niya, pagkatapos inilabas niya ito, tunay na ito ay lalabas na busilak na malinis. Ang ikalawang palatandaan ay ang pagkakita ng puting uhog (mucus),na isang puting likido na lumalabas sa ari ng babae at dumarating matapos ng pagwawakas ng regla.
Ang ṭalāq ay ang paghihiwalay ng mag-asawa sa isang paraang pangsharī`ah sa pamamagitan ng pag-aalis sa ugnayan ng kasal at bigkis ng pagkamag-asawa, maging ito man ay pangkabuuan, gaya ng sa diborsiyada nang tatlong ulit sa ṭalāq bā'in (diborsiyong naghihiwalay), o pambahagi (partial), gaya ng sa ṭalāq raj`īy (diborsiyong makababalik). Ang tinutukoy ng nikāḥ dito ay ang tumpak na nikāḥ. Hinggil naman sa tiwali o walang-saysay na nikāḥ, hindi natutumpak dito ang ṭalāq, gaya ng ṭalāq ng sinumang hindi naman nakasal. Inoobliga para sa pagkalag ng bigkis na ito sa pagitan ng mag-asawa ang pagbigkas ng isang pananalita. Ito ay dalawang uri: 1. Mga pananalitang tahasan. [Ito ay] gaya ng pagbigkas ng ṭalāq (diborsiyo) at anumang nahahango rito, tulad ng: ṭallaqtuki (diniborsiyo kita), o anti ṭāliq (ikaw ay diniborsiyo), o anti muṭallaqah (ikaw ay diborsiyada). 2. Mga pananalitang hindi tahasan. Ito ay mga pananalita ng pagpapasaring. Isinasakundisyon dito ang pagkakaroon ng layunin ng ṭalāq. Nagkakaiba-iba ito ayon sa pagkakaiba-iba ng mga kaugalian. Halimbawa: "Ito na ang katapusan natin," o "Layuan mo na ako," o "Malaya ka na."