Ang iḥrām ay ang layunin ng pagpasok sa isa sa nusuk (gawaing pagsamba) maging ito ay ḥajj o `umrah. Ang kahulugan niyon ay na ang tao ay naglayon ng pagpasok sa ḥajj o `umrah yayamang ipagbabawal sa kanya ang dating ipinahihintulot sa kanya gaya ng pangangaso, nikāḥ, pabango, at iba pa roon.
Ang mga Ipinagbabawal sa iḥrām ay ang mga gawain o ang mga kalagayang ipinagbabawal ang paggawa ng mga ito sa iḥrām. Ang mga ito ay siyam: ang pag-aahit ng buhok, ang pagputol ng mga kuko, ang pagsusuot ng tinahi, ang pagtatakip ng ulo, ang paggamit ng mabango, ang pagpatay ng ligaw na hayop at ang pagtataboy nito, ang pagdaraos ng kasal, ang pakikipagniig dahil sa isang pagnanasa kahit walang pagtatalik, at ang pagtatalik [mismo]. Ang babae ay gaya ng lalaki malibang ang iḥrām ng babae ay nasa mukha niya. Ang babae ay maaaring magsuot ng tinahi subalit siya ay hindi magsusuot ng niqāb at guwantes. Maaari siyang maglagay ng suot niya mula sa ibabaw ng ulo niya, na tatakip sa tingin ng mga lalaking estranghero (hindi maḥram). Ang sinumang nagsagawa ng anuman mula sa mga ito habang siya ay muḥrim (nasa sandali ng iḥrām), may pagdedetalye rito. Ang pakikipagtalik ay nakasisira sa nusuk (ḥajj o `umrah), kung naganap ito sa `umrah bago ng paglubos nito o naganap ito sa ḥajj bago ng ikalawang taḥallul. Kailangan sa kanya ang magkumpleto ng nusuk, pagkatapos ang mag-ulit nito sa isang bagong iḥrām maging ḥajj man ito o `umrah, at ang mag-alay ng panakip-sala (kaffārah), na isang badnah (pagkatay ng kamelyo) sa ḥajj o isang shāh (tupa) sa `umrah para sa mga maralita ng Makkah. Hinggil naman sa pangangaso, ang ganti [sa paglabag na ito] ay mag-alay ng tulad nito mula sa mga hayupan (baka o kamelyo) o mag-ayuno o magkawanggawa. Hinggil naman sa pagdaraos ng kasal, nakasisira ito [ng ḥajj] at walang panakip-sala (kaffārah) rito. Hinggil naman sa pagputol ng mga kuko, pagputol ng buhok, pagpapabango, pagtatakip ng ulo, at pagsusuot ng tinahi, mayroon itong pantubos (fidyah) sa pinsala: ang pagkakatay ng isang shāh (tupa) o ang pagpapakain ng anim na dukha o ang pag-aayuno ng anim na araw.
Ang pagkakatay ng hayop ay ang pagpapadaloy ng dugo ng hayop o ang pagpapadanak nito at ang pagbuhos nito sa pamamagitan ng pagbibigay-kamatayan dito. Ang pagkakatay ay may dalawang paraan: maaaring sa pamamagitan ng pagputol sa lalamunan (ḥulqūm) at esopago (marī') – at tinatawag na dhabḥ [sa wikang Arabe ang pagkatay na ito] – o sa pamamagitan ng pagtaga rito sa [tinatawag sa wikang Arabe na] labbah, ang bahaging nasa pagitan ng leeg at dibdib – at tinatawag na naḥr [sa wikang Arabe ang pagkatay na ito]. Ang pinakakaunti [na gagawin] sa dhabḥ ay ang pagputol sa lalamunan, ang daluyan ng hininga, at esopago, ang daluyan ng pagkain at inumin. Ang pinakamataas [na gagawin] ay ang pagputol sa dalawang ito kasama ng dalawang jugular vein (wadj), ang dalawang ugat sa magkabilaang gilid ng leeg. Ang dhabḥ at ang naḥr ay sa sandali ng kakayahan sa [karaniwang pagkatay] ng hayop. Ang ikalawang paraan ay sa pamamagitan ng pagtusok sa isang bahagi mula sa mga bahagi ng katawan nito. Ang paraang ito ay natatangi sa kalagayan ng pagtakas ng hayop at kawalan ng kakayahan [sa karaniwang pagkatay] rito. Lahat ng ito ay kalakip ng pagbanggit ng pangalan ni Allāh sa kapwa pamamaraan.
Ang `umrah ay kabilang sa pinakadakila sa mga pagsamba at pinakamainam sa mga pagtalima, na nagpapakalapit-loob ang Muslim sa pamamagitan nito kay Allāh (pagkataas-taas Siya). Ito ay kinakailangan isang ulit sa buong buhay. Ito ay pagsasagawa ng iḥrām sa mīqāt, pagkatapos ay ṭawāf, pagkatapos ay sa`y, pagkatapos ay pagpapaahit o pagpapaiksi [ng buhok]. Ito ay dalawang uri: 1. `Umrah na namumukod-tangi, na nagaganap sa alinmang araw ng taon; at 2. `Umrah ng tamattu` [na ḥajj], na hindi nangyayari maliban sa mga buwan ng ḥajj.
Ang mga sinawata ay sumasaklaw sa bawat sinaway at pinigilan ng Tagapagbatas kabilang sa mga ipinagbabawal na pinarurusahan ang tagagawa ng mga ito at ginagantimpalaan ang tagapag-iwan ng mga ito. Kabilang sa mga katawagan ng sinawata ay ang ipinagbabawal, ang pagsuway, at ang pagkakasala.