Ang pagsabi ng nagdarasal ng: "Rabbanā wa laka -lḥamd (Panginoon namin! Ukol sa Iyo ang papuri)."
Ang pagpapabanal ay ang kasukdulan ng pagdakila at ang kalubusan nito para kay Allāh lamang, nang walang katambal sa Kanya, dahil sa taglay Niya na mga katangian ng kadakilaan at mga paglalarawan ng kapitaganan at kalubusan. Ang mga pangalan Niya ay magaganda, ang mga gawa Niya sa kabuuan ng mga ito ay karunungan, ang batas Niya sa kabuuan nito ay katarungan at awa, at ang mga biyaya Niya ay masaganang marami sa mga lingkod Niya, kaya Siya ang karapat-dapat lamang sa pinakadakila na pagpapabanal at pinakaganap dito. Kabilang sa mga pangalan Niya (pagkataas-taas Siya) ang Al-Quddūs (ang Kabanal-banalan). Ito ay [nangangahulugang] ang dakilang lubos sa sarili Niya, mga katangian Niya, at mga pangalan Niya, ang dalisay na pinawalang-kinalaman sa bawat kapintasan at bawat kakulangan, at ang nagdadalisay sa mga puso ng mga katangkilik Niya at naglilinis ng mga ito sa pamamagitan ng kaalaman, pananampalataya, at gawang maayos. Hinggil naman sa iba pa sa Kanya (kaluwalhatian sa Kanya), nagiging karapat-dapat lamang ito sa pagdakila alinsunod sa taglay nito na kalagayan sa ganang kay Allāh ayon sa paraang isinabatas ni Allāh para sa pagdakila rito gaya ng pagdakila sa ilan sa mga lugar at mga panahon, na nagsaad ang Sharī`ah ng pagdakila rito at pag-aangat dito. Iyon ay ayon sa isinabatas dito na mga pagsamba na iniibig Niya at kinalulugdan Niya. Ang bawat pagdakila na lumabas buhat doon, iyon ay isang pagdakilang ipinagbabawal na hindi nagpahintulot doon si Allāh (pagkataas-taas Siya).
Ang Tawḥīd ay ang pinakadakila na isinatungkulin ni Allāh (pagkataas-taas Siya) sa mga lingkod Niya. Ito ay karapatan ni Allāh sa mga tao. Ito ay pundasyon ng paanyaya ng mga propeta at mga sugo sa kalahatan, mula sa kauna-unahan sa kanila hanggang sa kahuli-hulihan sa kanila. Ang Tawḥīd ay ang paniniwala na si Allāh ay nag-iisang namumukod-tangi sa paglikha Niya, paghahari Niya, at pangangasiwa Niya; na Siya ay ang karapat-dapat sa pagsamba, tanging Siya na walang katambal sa Kanya, kaya walang ibinabaling sa iba pa sa Kanya na anuman; at na mayroon Siyang mga pangalan at mga katangian na walang katulad at walang kawangis sa mga ito. Nahahati ang Tawḥīd sa tatlong bahagi: 1. Tawḥīd Al-Ulūhīyah (Tawḥīd ng Pagkadiyos); 2. Tawḥīd Ar-Rubūbīyah (Tawḥīd ng Pagkapanginoon); 3. Tawḥīd Al-Asmā’ wa Aṣ-Ṣifāt (Tawḥid ng mga Pangalan at mga Katangian). Hindi nalulubos para sa tao ang Tawḥid malibang sa pamamagitan ng pagkilala at pagkakaila: A. Ang Pagkilala. Ito ay na kilalanin para kay Allāh ang anumang nauukol sa Kanya na pagpapakaalipin [sa Kanya], pagkapanginoon, at mga pangalan at mga katangian. B. Ang pagkakaila ng anumang nauukol kay Allāh (kaluwalhatian sa Kanya) na pagpapakaalipin [sa Kanya], pagkapanginoon, at mga pangalan at mga katangian sa iba pa sa Kanya (pagkataas-taas Siya).
Tunay na ang pinakamainam sa Kalipunang ito matapos ng Propeta natin (basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan) ay ang Unang Apat na Khalīfah na nag-utos ang Sugo (basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan) ng pagsunod sa kanila at pagkapit sa patnubay nila. Sila ay sina Abū Bakr Aṣ-Ṣiddīq, Abū Ḥafṣ `Umar bin Al-Khaṭṭāb, Dhunnūrayn `Uthmān bin `Affān, at `Alīy bin Abī Ṭālib Abul-Ḥasan (malugod si Allāh sa kanila), na mga sumama sa Propeta (basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan) magmula sa simula ng Islām. Pagkatapos itinalaga sila sa khilāfah (pagkakhalīfah) at imāmah (pamumuno) mula ng matapos ng pagyao niya (basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan) alang-alang sa pagpapanatili ng Islām sa kaalaman, sa gawa, sa pag-aanyaya, sa mga kapakanan ng mga Muslim, at sa pangangalaga sa mga pumapatungkol sa kanila sa pangmundong buhay nila at pangkabilang-buhay nila. Nagtagal nga ang khilāfah nila ng Tatlumpung taon; dalawang taon at tatlong buwan ang yugto ng khilāfah ni Abū Bakr Aṣ-Ṣiddīq. Ang khilāfah ni `Umar bin Al-Khaṭṭāb ay sampung taon at kalahati. Ang khilāfah naman ni `Uthmān bin `Affān ay labindalawang taon. Ang khilāfah ni `Alīy bin Abī Ṭālib ay apat na taon at siyam na buwan. Ang pinaniniwalaan ng mga Alagad ng Sunnah ay na ang pagkakasunud-sunod nila sa pagkamainam ay alinsunod sa pagkakasunud-sunod nila sa khilāfah.
Ang pagluluwalhati ay kabilang sa mga tagasaksi ng pananampalataya kay Allāh (pagkataas-taas Siya) at isang saligan mula sa saligan ng Tawḥīd sa Kanya, kung paanong ito ay kabilang sa mga katunayan ng kagandahan ng Pinaniniwalaang Pang-Islām. Ang kahulugan nito ay ang pagdakila kay Allāh, ang pagbabanal sa Kanya, ang pagwawalang-kinalaman sa Kanya sa bawat kapintasang iniugnay sa Kanya ng mga tagapagtambal at mga ateista, gaya ng katambal, anak, asawa, at iba pa rito. Ito ay ang pagpapalayo ng mga puso at mga ideya sa pagpapalagay kay Allāh ng isang kakulangan o pag-uugnay sa Kanya ng kasamaan. Iyon ay nananawagan ng pagpapatibay ng mga katangian ng kalubusan sa Kanya (pagkataas-taas Siya). Kabilang sa mga pangalan ni Allāh ang As-Sabbūḥ o As-Subbūḥ (Ang Kaluwa-luwalhati) at ang kahulugan nito ay ang pinawawalang-kinalaman at pinababanal ng bawat sinumang nasa mga langit at lupa palayo sa mga kapintasan at mga kakulangan. Ang pagluluwalhati ay sa pamamagitan ng dila sa pamamagitan ng pagsasabi ng subḥāna -llāh (kaluwalhatian kay Allāh) at tulad nito. Iyon ay sa pamamagitan din ng mga bahagi ng katawan. Iyon ay sa pamamagitan ng pagsamba kay Allāh lamang at pag-iwan sa anumang iba sa Kanya. Iyon ay sa pamamagitan din ng puso sa pamamagitan ng pagwawalang-kinalaman kay Allāh, pagkakaila ng bawat kakulangan palayo sa Kanya, at paniniwala sa kalubusan para sa Kanya sa mga pangalan Niya, mga katangian Niya, at sarili Niya. Ang pagluluwalhati ay limang uri. Ang mga ito ay ang sumusunod: 1. Ang pagluluwalhati ni Allāh (pagkataas-taas Siya) sa binanal na sarili Niya; 2. Ang pagluluwalhati ng mga anghel kay Allāh (pagkataas-taas Siya); 3. Ang pagluluwalhati ng mga maayos na tao na mga propeta at mga tagasunod nila kay Allāh (pagkataas-taas Siya); 4. Ang pagluluwalhati ng mga nilalang sa kabuuan nila kay Allāh (pagkataas-taas Siya); 5. Ang pagluluwalhati ng mga maninirahan sa Paraiso kay Allāh (pagkataas-taas Siya).
Ang mga tanda ni Allāh ay ang mga patunay, ang mga patotoo, at ang mga palatandaan na gumagabay tungo sa Kanya at nagpaparating tungo sa pagsamba sa Kanya lamang. Ang mga tanda ni Allāh ay dalawang bahagi: 1. Mga Tandang Pansansinukob. Ito ay ang lahat ng mga nilikha, ang maliit sa mga ito at ang malaki sa mga ito, mula sa mga langit, lupa, mga bituin, mga bundok, mga punong-kahoy, mga hayop, at iba pa rito. Ang pagmumuni-muni sa paglikha sa mga ito, pagpapainog sa mga ito, at pangangasiwa sa mga kaliit-liitan sa mga detalye ng mga ito ay umaakay sa paniniwala sa kaisahan ni Allāh (pagkataas-taas Siya). 2. Mga Tandang Pambatas. Ito ay ang inihatid ng mga sugo mula sa pagkasi gaya ng Marangal na Qur'ān at Pampropetang Sunnah. Mayroong pantanging pagtataguri ng mga tanda (āyah) sa mga talata ng Qur'ān.
Ang Qur'ān ay ang kasi na pinababa sa Propeta nating si Muḥammad (basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan). Ito ay Salita ni Allāh (pagkataas-taas Siya), na hindi nilikha, at ang Aklat ng Islām sa mga pinaniniwalaan nito, mga pagsamba nito, mga patakaran nito, at mga kaasalan nito. Ang Qur'ān ay may maraming paglalarawan, gaya ng karangalan, kapangyarihan, kadakilaan, at iba pa rito. Nailarawan ang Qur'ān na ito ay marangal dahil sa ilang dahilan, kabilang sa mga ito: 1. Ang karangalan, ang kapitaganan, at ang kadakilaan ng Tagapagsalita nito (kaluwalhatian sa Kanya at pagkataas-taas Siya); 2. Na dito ay may pagpaparangal sa mga tao at pagtatangi sa kanila higit sa lahat ng mga kalipunan; 3. Na ito ay isang aklat na mapagbigay ng marami sa kabutihan at pagpapala yayamang nagbibigay ito sa tagabasa nito ng gantimpala, kaalaman, at kaasalan; 4. Na ito ay isang binanal na dakilang kapita-pitagang aklat sa mga salita nito at mga kahulugan nito.