Ang pagtitika ng puso sa paggawa ng anuman bilang pagpapakalapit kay Allāh (pagkataas-taas Siya). O sinasabing ito ay ang pagpapakay ng pagtalima at pagpapakalapit kay Allāh (pagkataas-taas Siya) sa pagpapairal ng gawain. Ang kinalalagyan nito ay ang puso. Nagaganap ang layunin ayon sa dalawang kahulugan: 1. Ang pagtatangi sa mga pagsamba sa isa't isa gaya ng pagtatangi ng ṣalāh sa đuhr sa ṣalāh sa `aṣr. 2. Ang pagtatangi sa pinapakay ng gawain kung ito ba ay ukol kay Allāh lamang.
Ang pagyukod ay kabilang sa mga panggawaing haligi ng ṣalāh. Mayroon itong dalawang paraan: 1. Ang pagbaluktot ng likod sa paraang nakakaya ng tao ang paghawak ng mga kamay niya sa mga tuhod niya. 2. Ang pagbaluktot kalakip ng pagtukod ng mga kamay sa mga tuhod, ng pagpapahiwa-hiwalay ng mga daliri ng kamay, ng pagpapalayo sa pagitan ng mga kamay at mga tagiliran [ng katawan], at ng pagtutuwid ng likod nang walang pag-aangat ng ulo o pagbababa nito. Ang paraang ito ay ang pinakakumpleto. Ang pagyukod ay may dalawang kalagayan: 1. Ang kalagayan na ang nagdarasal ay nakatayo bago ng pagyukod. Ito ang tinutukoy sa pagtataguri [ng pagyukod]. 2. Ang kalagayan na siya ay yumuyukod palayo sa pagkakaupo. Ito ay ang pagyukod [mula sa pagkakaupo at pagtayo] para pumantay ang noo sa mga tuhod.
Ang taqwā (pangingilag magkasala) ay isang salitang [Arabe] na tagatipon ng mga katangian ng kabutihan. Ang orihinal [na kahulugan] nito ay ang pag-iingat laban sa kaparusahan ni Allāh sa pamamagitan ng pagtalima sa Kanya sa ipinag-uutos at sa sinasaway. Ito ay isang katangian sa sarili na nagbubuyo sa tao sa paggawa ng ipinag-utos ni Allāh (pagkataas-taas Siya) at pagpipigil sa sinaway Niya. Sa iba pang kahulugan: Ito ay ang pangangalaga sa sarili laban sa nagiging karapat-dapat na kaparusahan dahil sa paggawa ng mga ipinagbabawal o pag-iwan sa mga tungkulin at ang pagkakaroon ng katangian ng pagkakaangat ng antas nito dahil sa paggawa ng mga itinuturing na kaibig-ibig at mga mabuting kinukusang-loob at pag-iwas sa mga kinasusuklaman at mga pinaghihinalaan. Nag-utos nga si Allāh nito sa mga una at mga huli. Gumawa Siya sa pananampalataya at pangingilag magkasala bilang pagtangkilik sa Kanya (kaluwalhatian sa Kanya) at nagparesulta Siya rito ng gantimpalang masagana.
Ang Tawḥīd ay ang pinakadakila na isinatungkulin ni Allāh (pagkataas-taas Siya) sa mga lingkod Niya. Ito ay karapatan ni Allāh sa mga tao. Ito ay pundasyon ng paanyaya ng mga propeta at mga sugo sa kalahatan, mula sa kauna-unahan sa kanila hanggang sa kahuli-hulihan sa kanila. Ang Tawḥīd ay ang paniniwala na si Allāh ay nag-iisang namumukod-tangi sa paglikha Niya, paghahari Niya, at pangangasiwa Niya; na Siya ay ang karapat-dapat sa pagsamba, tanging Siya na walang katambal sa Kanya, kaya walang ibinabaling sa iba pa sa Kanya na anuman; at na mayroon Siyang mga pangalan at mga katangian na walang katulad at walang kawangis sa mga ito. Nahahati ang Tawḥīd sa tatlong bahagi: 1. Tawḥīd Al-Ulūhīyah (Tawḥīd ng Pagkadiyos); 2. Tawḥīd Ar-Rubūbīyah (Tawḥīd ng Pagkapanginoon); 3. Tawḥīd Al-Asmā’ wa Aṣ-Ṣifāt (Tawḥid ng mga Pangalan at mga Katangian). Hindi nalulubos para sa tao ang Tawḥid malibang sa pamamagitan ng pagkilala at pagkakaila: A. Ang Pagkilala. Ito ay na kilalanin para kay Allāh ang anumang nauukol sa Kanya na pagpapakaalipin [sa Kanya], pagkapanginoon, at mga pangalan at mga katangian. B. Ang pagkakaila ng anumang nauukol kay Allāh (kaluwalhatian sa Kanya) na pagpapakaalipin [sa Kanya], pagkapanginoon, at mga pangalan at mga katangian sa iba pa sa Kanya (pagkataas-taas Siya).
Naniniwala ang mga pantas ng mga Alagad ng Sunnah at Pagkakaisa (Ahlu As-Sunnah wa Al-Jamā`ah) na ang paghahati sa Tawḥīd sa tatlong bahagi: Tawḥīd Al-Ulūhīyah (Tawḥīd ng Pagkadiyos), Tawḥīd Ar-Rubūbīyah (Tawḥīd ng Pagkapanginoon), at Tawḥīd Al-Asmā’ wa Aṣ-Ṣifāt (Tawḥid ng mga Pangalan at mga Katangian) ay kinuha mula sa pagsusuri sa mga teksto ng Marangal na Qur'ān at mga Pampropetang Ḥadīth, na ito ay nalalaman sa ganang mga nauna sa mga pantas ng Salaf, at na ito ay hindi isang paghahating bagong imbento. Ang tatlong bahaging, sa pagitan ng mga ito, ay may ugnayang nagkakapitan na kumukumpleto sa isa't isa at hindi magagawa ang pagwawaksi ng isa sa iba pa. Ang ugnayang nagbibigkis sa pagitan ng mga bahaging ito ay ugnayan ng pagkakapitan, paglalaman, at pagsasaklaw. Ang Tawḥīd Ar-Rubūbīyah ay nag-oobliga ng Tawḥīd Al-Asmā’ wa Aṣ-Ṣifāt dahil kapag nalaman ng tao na si Allāh ay walang katambal sa paglikha at mga pangalan at mga katangian ay magreresulta sa kanya na hindi siya sasamba maliban kay Allāh. Ang Tawḥīd Al-Ulūhīyah ay naglalaman ng Tawḥīd Ar-Rubūbīyah at Tawḥīd Al-Asmā’ wa Aṣ-Ṣifāt sapagkat ang mananampalataya, dahil sa Tawḥīd Al-Ulūhīyah, ay isang mananampalataya nang walang pasubali na si Allāh ay Panginoon niya at Tagalikha niya at na taglay ni Allāh ang mga katangian ng kalubusan, kapitaganan, at karikitan. Ang Tawḥīd Al-Ulūhīyah ay ang saligan ng relihiyon, ang pundasyon ng paanyaya ng mga sugo (sumakanila ang basbas at ang pagbati ng kapayapaan). Tinatawag din ito na Tawḥīd Al-Ilāḥīyah (Tawḥīd ng Pandiyos), Tawḥīd Al-`Ibādah (Tawḥīd ng Pagsamba), Tawḥīd Al-Qaṣd wa Aṭ-Ṭalab (Tawḥīd ng Layon at Atas), at At-Tawḥīd Al-Irādīy Aṭ-Ṭalabīy (Ang Tawḥīd na Pampagnanais na Pang-atas). Sa pagsasaalang-alang ng pag-uugnay ng Tawḥīd kay Allāh, pinangangalanan ito na Tawḥīd Al-Ulūhīyah (Tawḥīd ng Pagkadiyos); at sa pagsasaalang-alang ng pag-uugnay ng Tawḥīd sa tagasamba (tao), pinangangalanan ito na Tawḥīd Al-`Ibādah (Tawḥīd ng Pagsamba at Tawḥīd Al-Qaṣd wa Aṭ-Ṭalab (Tawḥīd ng Layon at Atas). Ang Tawḥīd Al-Ulūhīyah ay ang pagbubukod-tangi kay Allāh (pagkataas-taas Siya) sa [pinag-uukulan ng] mga gawain ng mga tao o sinasabing ito ay ang Tawḥīd kay Allāh sa mga gawa ng mga tao, na nagpapasamba sa kanila sa pamamagitan ng mga ito at isinabatas para sa kanila gaya ng du`ā’ (panalangin), dhabḥ (pag-aalay), nadhr (pamamanata), isti`ānah (pagpapatulong), istighāthah (pagpapasaklolo), at iba pa roon na mga uri ng pagsamba dahil Siya lamang ang karapat-dapat na sambahin. Ito ay nakabatay sa pagpapawagas ng gawain sa kabuuan niyon ukol kay Allāh lamang nang walang sinumang iba pa sa Kanya, maging ang gawaing ito man ay kabilang sa mga gawain ng puso o kabilang sa mga gawain ng mga bahagi ng katawan. Ang uring ito ng Tawḥīd ay paksa ng paanyaya ng mga sugo mula sa kauna-unahan sa kanila hanggang sa kahuli-hulihan sa kanila.
Ang Dalawang Pagsaksi ay ang pagsabi ng tao ng: (1) Ashhadu an lā ilāha ill-Allāh wa (2) Ashhadu anna Muḥammadar rasūlu –llāh (Sumasaksi ako na walang Diyos kundi si Allāh at sumasaksi ako na si Muḥammad ay Sugo ni Allāh). Hinggil sa Unang Pagsaksi, ang kahulugan nito ay: ang pagpapawagas ng pagsamba ukol kay Allāh lamang at ang pagkakaila nito sa anumang iba pa sa Kanya. Hindi nakikinabang ang tagapagsabi nito hanggang sa maisakatuparan sa kanya ang dalawang bagay: 1. Ang pagsabi ng Lā ilāha ill-Allāh (Walang Diyos kundi si Allāh) ayon sa paniniwala, kaalaman, katiyakan, pagpapatotoo, pag-ibig, pagpapakawagas, at pagpapaakay. 2. Ang kawalang-pananampalataya sa anumang sinasamba bukod pa kay Allāh (pagkataas-taas Siya) kaya ang sinumang nagsabi ng pagsaksi na ito at hindi tumangging sumampalataya sa anumang sinasamba bukod pa kay Allāh ay hindi magpapakinabang sa kanya ang pagsasabing ito. Hinggil naman sa Ikalawang Pagsaksi, ang pagsabi ng: Sumasaksi ako na si Muḥammad ay Sugo ni Allāh, ang kahulugan nito ay: ang pagtalima sa kanya sa ipinag-utos niya, ang pagpapatotoo sa ipinabatid niya, ang pag-iwas sa sinaway niya at sinawata niya, na hindi sumamba kay Allāh malibang ayon sa isinabatas niya, na malaman at maniwala na si siya ay Sugo ni Allāh sa mga tao sa kalahatan, at na siya ay isang taong hindi sinasamba at isang sugong hindi pinasisinungalingan, bagkus sinusunod at tinatalima. Ang sinumang tumalima sa kanya ay papasok sa Paraiso at ang sinumang sumuway sa kanya ay papasok sa Impiyerno.
Ang awliyā' ay pangmaramihan ng walīy (katangkilik). Ang walīy sa Batas [ng Islām] ay ang sinumang may natipon sa kanya na dalawang paglalarawan: ang īmān (pananampalataya) at ang taqwā (pangingilag magkasala) na naglalaman ng pagpapakalapit-loob kay Allāh (kaluwalhatian sa Kanya) sa pamamagitan [ng pagsasagawa] ng mga farīḍah (tungkulin) at mga nāfilah (dagdag na gawain) kalakip ng pagiging maalam niya sa utos ni Allāh (pagkataas-taas Siya) at gumagawa ayon sa nalalaman niya. Kaya ang sinumang dumalisay ang paniniwala niya at tumumpak ang gawain niya, siya ay isang walīy ni Allāh (pagkataas-taas Siya). Alinsunod sa pananampalataya ng tao at pangingilag magkasala niya ay nangyayari ang pagkawalīy niya para kay Allāh (pagkataas-taas Siya). Ang walīy ay ang sinumang tinangkilik ni Allāh ang nauukol sa kanya at itinangi siya sa pangangalaga sa kanya para sa kaayusan niya dahil si Allāh ay tumatangkilik sa mga taong maayos at umiibig sa mga mananampalataya at nagtatanggol sa kanila. Ang awliyā ni Allāh ay dalawang bahagi: 1. Mga naunang inilapit-loob; at 2. Mga nagpakakatamtamang kasamahan sa kanan. Ang mga naunang inilapit-loob ay ang mga nagpakalapit-loob sa Kanya (pagkataas-taas Siya) sa pamamagitan ng mga nāfilah matapos ng mga farīḍah. Kaya gumagawa sila ng mga kinakailangan at mga itinuturing na kaibig-ibig at nag-iwan sila ng mga ipinagbabawal at mga kinasusuklaman. Hinggil naman sa mga kasamahan sa kanan, sila ay ang mga nagpapakabuti na nagpakalapit-loob sa Kanya (pagkataas-taas Siya) sa pamamagitan ng mga farīḍah. Gumagawa sila ng isinatungkulin ni Allāh sa kanila at nag-iiwan sila ng ipinagbawal ni Allāh sa kanila. Hindi sila nag-aatang sa mga sarili nila ng mga mandūb ni ng pagpigil ng kalabisan ng mga pinapayagan. Ang pagkawalīy ay nagkakaibahan alinsunod sa pananampalataya ng tao at pangingilag magkasala niya. Ang bawat mananampalataya ay may bahagi mula sa pagkawalīy kay Allāh, pag-ibig Niya, at pagkalapit sa Kanya subalit ang bahaging ito ay nagkakaibahan alinsunod sa mga gawang maayos na pangkatawan at pampuso na nagpapakalapit-loob sa pamamagitan ng mga ito kay Allāh. Alinsunod dito, tunay na ang tagalabag sa katarungan sa sarili niya, ang mananampalatayang tagasuway, ay mayroong pagkawalīy ayon sa sukat ng pananampalataya niya at mga maayos na gawa niya. Ang awliyā’ ni Allāh ay hindi mga naisanggalang [sa kasalanan] at hindi nakaaalam sa nakalingid. Wala silang kakayahan sa pagsasagawa ng paglikha at pagtutustos. Hindi sila nag-aanyaya sa mga tao sa pagdakila sa kanila o pagbaling ng anuman mula sa mga yaman at mga bigay para sa kanila. Ang sinumang gumawa niyan ay hindi isang walīy ni Allāh, bagkus isang palasinungaling na manlilinlang kabilang sa awliyā’ ng demonyo. Ito ay kabilang sa mga pagkaintinding tiwali at mga kamaliang laganap sa paksa ng pagkawalīy. Kabilang din ay ang mga sumusunod: 1. Ang pagpapakalabis-labis kaugnay sa awliyā’ ni Allāh kabilang sa mga propeta at mga taong maayos, gaya ng paglalagay ng anuman kabilang sa mga kakanyahan ni Allāh (pagkataas-taas Siya) sa mga propeta, gaya ng pagpapakalabis-labis kaugnay sa mga taong maayos, pagpapatayo ng estruktura sa ibabaw ng mga libingan nila, pag-aangkin ng pagkasanggalang sa kasalanan para sa kanila, at tulad niyon. 2. Ang paniniwala ng marami sa mga tao na ang tao ay hindi nagiging walīy hanggang sa makapagdulot siya ng isang bagay na labas sa karaniwan. 3. Ang pagkatamo ng pagkawalīy sa paggawa ng mga ipinagbabawal at pag-iwan sa mga kinakailangan at ang paniniwala na ang awliyā’ ay umabot sa isang antas na nag-aalis sa kanila dahil dito ng mga nakatalagang tungkulin. Ito ay bahagi ng kaligawan sapagkat ang pagkawalīy ay hindi nagpapahintulot sa nagtataglay nito ng paggawa ng mga ipinagbabawal at pag-iwan ng mga kinakailangan. 4. Ang paniniwala ng ilan na ang pagkawalīy ay nalilimitahan sa ilang itinakdang tao. Ang tumpak ay na ang pagkawalīy ay isang antas panrelihiyon na naisasakatuparan sa bawat lingkod na mananampalatayang mapangilag magkasala at hindi natatangi sa ilang tao ni ilang lugar ni ilang panahon. 5. Ang pagtataguri ng ilan ng pananalitang "mga kasamahan ni Allāh” o “mga tao ni Allāh” sa awliyā’ ay walang patunay sa katumpakan ng pagpapangalang ito. Naniniwala ang Sufismo sa mga sarisaring paniniwala kaugnay sa awliyā’. Mayroon sa kanila na nagmamagaling sa walīy higit sa propeta. Mayroon sa kanila na gumagawa sa pagkawalīy bilang kapantay para kay Allāh sa lahat ng mga katangian Niya sapagkat ang walīy raw ay lumilikha, nagtutustos, nagbibigay-buhay, nagbibigay-kamatayan, at nagpapainog sa Sansinukob. Mayroon silang mga paghahati para sa pagkawalīy sapagkat nariyan daw ang ghawth (saklolo), ang mga quṭb (poste), ang mga badal (palit), at ang mga najīb (maharlika) yayamang nagtitipon daw sila sa isang konseho nila sa yungib ng Ḥirā’ sa bawat gabi habang tumitingin sa mga itinakda. Mayroon naman sa kanila na hindi naniniwala roon subalit sila ay gumagawa sa mga ito bilang mga tagapagpagitna sa pagitan nila at ng Panginoon nila, maging sa buhay nila o matapos ng kamatayan nila. Ang mga Alagad ng Sunnah ay hindi naniniwala sa pagkakasanggalang sa kasalanan ng isang tao maliban sa mga propeta (sumakanila ang basbas at ang pagbati ng kapayapaan) samantalang ang Sufismo naman ay gumagawa sa pagkakasanggalang sa kasalanan bilang kundisyon para maging walīy. Mayroon naman sa kanila na nagkakaila sa pagkawalīy nang lubusan sa sinumang nasadlak sa pagkatisod at pagkakamali.
Ang Maliit na Shirk ay bawat pagkakasala na pinangalanan ng Tagapagbatas bilang shirk at hindi umabot sa antas ng pagsamba sa iba pa kay Allāh (pagkataas-taas Siya) kasama kay Allāh, kabilang sa mga pagnanais, mga salita, at mga gawa; o bawat aktibidad na pansalita o panggawain na nagtaguri rito ang Batas [ng Islām] ng paglalarawan ng shirk subalit ito ay hindi nagpapalabas sa relihiyon, gaya ng panunumpa sa iba pa kay Allāh, kaunting pagpapakitang-tao, at tulad niyon. Ang Maliit na Shirk ay nasa dalawang uri: 1. Ang Nakalitaw na Shirk. Ito ay ang nagaganap sa mga salita at mga gawa. Ang shirk sa mga salita at mga pananalita ay gaya ng panunumpa sa iba pa kay Allāh (pagkataas-taas Siya) at gaya ng pagsabi ng: "Ang niloob ni Allāh AT niloob mo." Maaaring umabot ito sa Malaking Shirk alinsunod sa layunin ng tagapagsabi nito at pakay niya sapagkat kung nagpakay siya ng pagdakila sa iba pa kay Allāh gaya ng pagdakila kay Allāh (pagkataas-taas Siya) ay nagtambal nga siya ayon sa malaking shirk. Ang shirk naman sa mga gawa ay gaya ng pagsusuot ng singsing o sinulid para sa pagpawi ng kamalasan o pagtutulak nito at gaya ng pagsasabit ng mga anting-anting dala ng pangamba sa usog (`ayn). Kung naniwala naman siya na ito ay nagtutulak ng kamalasan sa pamamagitan nito mismo, ito ay malaking shirk. 2. Ang Nakakubling Shirk. Ito ay ang shirk sa mga layunin, mga pakay, at mga pagnanais, gaya ng pagpapakitang-tao at pagtatamo ng reputasyon, gaya ng sinumang gumagawa ng isang gawaing nagpapakalapit-loob siya sa pamamagitan nito kay Allāh saka nagpapaganda siya ng ginagawa niya na pagdarasal o pagbigkas [ng Qur'ān] para mapuri at maibunyi siya.
Ang pagtalima ay ang pundasyon ng relihiyong [Islām] at ang haligi ng pagsamba. Ito ay ang paggawa ng tao ng ipinag-utos sa kanya at ang pag-iwan niya ng sinaway sa kanya sa paglalayon ng pagsunod, maging ito man ay ang ipinag-uutos o ang sinasaway sa salita o sa gawa o sa paniniwala. Nahahati ito sa dalawang bahagi: A. Pagtalima sa Tagalikha. Ito ay ang pagsasagawa sa ipinag-utos ni Allāh at ng Sugo Niya (basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan) at ang pag-iwan sa sinaway nilang dalawa. B. Pagtalima sa nilikha. Nahahati ito sa dalawang bahagi: 1. Pagtalimang pinapupurihan, gaya ng pagtalima sa pamunuan at mga magulang sa hindi isang pagsuway [kay Allāh]. 2. Pagtalimang pinupulaan. Ito ay ang pagtalima sa nilikha sa isang pagsuway [kay Allāh]. Ang pagtalimang ito ay may shirk gaya ng pagtalima sa nilikha sa pagpapahintulot ng bawal at pagbabawal ng pinahihintulutan o pagsamba sa mga anito, at may kasuwailan gaya ng pagtalima sa nilikha sa pag-inom ng alak at tulad nito.
Ang pagsamba ay ang kalubusan ng pagpapasailalim at pagpapakaaba. Ang pagsamba kay Allāh (pagkataas-taas Siya) na sumasaklaw sa Tawḥīd sa Kanya ay ang tunguhin ng paglikha sa nilikha. Dahil doon, ang pagbaling ng anuman mula sa mga pagsamba sa iba pa kay Allāh (pagkataas-taas Siya) ay isang shirk. Ang pagsamba ay may dalang pagtataguri: A. Ang Pagsambang Pangkalahatang Pansansinukob. Ito ay ang pagsamba ng paglupig at paghahari. Sumasaklaw ito sa mga naninirahan sa mga langit at lupa sa kalahatan nila: sa mananampalataya sa kanila at sa tagatangging sumampalataya sa kanila, sapagkat ang lahat ay mga alipin ni Allāh (pagkataas-taas Siya) sa kahulugan na sila ay mga tagapagpasailalim sa pansansinukob na utos Niya. Kaya kapag niloob Niya ay magbibigay-buhay Siya sa kanila at kapag niloob Niya ay magbibigay-kamatayan Siya sa kanila. Kapag niloob Niya ay magsasagawa Siya sa kanila ng anumang niloloob Niya dahil sa karunungan. Walang paglabas para sa kanila sa sandaling iyon. Ito ay isang pagsambang walang gantimpala rito at hindi pinapupurihan ang nagsasagawa nito. B. Ang Pagsambang Natatanging Pambatas. Ito ay ang pagsamba ng pagtalima, pagpapasailalim, at kusang pag-ibig. Ito ang pinapupurihan dahil dito ang tao. Ito ay natatangi para sa sinumang itinuon ni Allāh (pagkataas-taas Siya). Kabilang sa mga kundisyun ng pagkatanggap nito: ang pananampalataya, ang pagpapakawagas, at ang pakikipagsunuran. Ang natatanging pagsamba ay sumasaklaw sa lahat ng mga uri ng pagtalima. Ito ay apat na antas: 1. Ang pagsasabi ng puso: ang paniniwala sa ipinabatid ni Allāh (kaluwalhatian sa Kanya); 2. Ang pagsasabi ng dila: ang pagpapabatid niyon, ang pagbanggit niyon, at ang pag-aanyaya tungo roon; 3. Ang paggawa ng puso gaya ng pag-ibig ng pag-ibig kay Allāh at pananalig sa Kanya; at 4. Ang paggawa ng mga bahagi ng katawan gaya ng pagdarasal at tulad nito. Ang pagsamba ay may tatlong haligi: ang pag-ibig, ang pangamba, at ang pag-asa.
Nagnaturalesa si Allāh ng nilikha sa Islām at Tawḥīd sapagkat ang bawat isa sa mga tao ay may naturalesang humihiling ng pagtanggap sa Relihiyong Islām, pagkakilala rito, at pag-ibig dito. Ang mismong naturalesa ay nagpapaobliga ng pagkilala sa Tagalikha, pag-ibig sa Kanya, at pagpapakawagas ng relihiyon ukol sa Kanya. Ang mga tagapag-obliga ng naturalesa at ang hinihiling nito ay nangyayari ng unti-unti alinsunod sa kalubusan ng naturalesa kapag naligtas ito sa tagakontra. Kapag naman hindi naligtas ang naturalesa, tunay na ito ay mag-iiba dahil sa nakaaapekto rito mula sa mga demonyo, mga pithaya, at mga pagkaligaw. Ang naturalesa ay pinalulubos ng Sharī`ah na pinababa mula sa ganang kay Allāh (pagkataas-taas Siya). Iyon ay dahil ang naturalesa ay nakaaalam sa usapin at ang Sharī`ah ay nagdedetalye nito at naglilinaw nito kaya hindi nagsasarili ang naturalesa sa pag-alam sa mga detalye ng Sharī`ah . Dahil dito nagsugo si Allāh ng mga sugo (sumakanila ang basbas at ang pagbati ng kapayapaan) para sa paglulubos ng naturalesa.
Ang Islām ay ang relihiyong totoo na hindi tumatanggap si Allāh (pagkataas-taas Siya) sa isa man ng isang relihiyong iba rito. Ito ay ang pantanging kahulugan. Nahahati ang Islām sa panlahat na kahulugan nito sa dalawang bahagi: A. Ang pagpapaakay at ang pagsuko sa pansansinukob at pang-itinakdang utos ni Allāh nang kusang-loob at labag sa loob. Ito ay walang [idinudulot na] mapagpipilian para sa isa man at walang gantimpala rito. B. Ang pagpapaakay at ang pagsuko sa Batas ni Allāh. Ito ay ang Islām na napupuri ang tao [sa pagsunod] dito at nagagantimpalaan. Ang bahaging ito ay nahahati sa panlahat at pantangi: 1. Ang Panlahat. Ito ay ang relihiyon na inihatid ng mga propeta nang lahatan mula kay Noe hanggang kay Muḥammad (sumakanila ang basbas at ang pagbati ng kapayapaan). Ito ay ang pagsamba kay Allāh lamang nang walang katambal sa Kanya at ang pagsasagawa ng Batas Niya. 2. Ang Pantangi. Ito ay ang inihatid ng Propeta nating si Muḥammad (basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan). Mayroon itong dalawang pagtataguri: Ang una ay ang mga salita at ang mga gawaing nakalantad. Ang mga ito ay ang limang haligi at ang sumusunod sa mga ito. Ang ikalawa ay ang sumasaklaw sa mga gawaing nakalantad at mga paniniwalang nakapaloob gaya ng anim na haligi ng pananampalataya at ang sumusunod sa mga ito.
Ang Sharī`ah ay ang bawat isinabatas ni Allāh (pagkataas-taas Siya) na mga pinaniniwalaan, mga patakaran, at iba pa sa mga ito. Mayroon itong mga pinagkukunan na napagkaisahan [ang pagtanggap], na ang mga ito ay ang Qur'ān, ang Sunnah, ang Ijmā`, at ang Qiyās; at mga pinagkukunan na nagkaiba-iba [ang pagtanggap], tulad ng sabi ng Kasamahan. Mayroon itong mga pakay na nakikilala.