Ang mga pagkakasala ay mga antas at mga baytang sapagkat kabilang sa mga ito ang nagpapalabas sa nakagawa ng mga ito mula sa Islām, ang shirk at ang kawalang-pananampalataya kay Allāh; at kabilang sa mga ito ang hindi nagpapalabas sa nakagawa ng mga ito mula sa Islām subalit ang mga ito ay nakababawas sa pagpapasakop niya at pananampalataya niya. Ito ay nahahati sa dalawang bahagi: 1. Ang Malalaking Kasalanan. Nagkaiba-iba nga ang mga maalam sa pagpapakahulugan nito. Sinabing ito ay bawat pagkakasalang tumatak si Allāh o ang Sugo Niya (ang basbas at ang pagbati ng kapayapaan ay sumakanya) ng isang apoy o isang galit o isang sumpa o isang pagdurusa. Sinabing ito ay ang anumang nagbanta si Allāh ng isang takdang parusa sa Mundo at ng isang pagdurusa sa Kabilang-buhay. Sinabing ito ay ang anumang ang mga kawalang-katarungan dito ay sa pagitan ng mga tao mismo. Sinabing [ito ay] bawat pagsuway na nangahas ang tao rito nang walang pagkaramdam ng pangamba o walang pagkadama ng panghihinayang, bagkus nakagagawa siya nito habang nagwawalang-bahala rito habang naglalakas-loob dito. Ang tinutukoy ng takdang parusa ay ang kaparusahang itinakda sa batas [ng Islām] gaya ng kaparusahan sa pagnanakaw at pangangalunya sapagkat tunay na ang takdang parusa sa pagnanakaw ay pagputol ng kamay. Ang tinutukoy ng banta ay ang pagbabala at ang pagpapangamba sa Impiyerno o galit o pagpapalayo mula sa awa ni Allāh at tulad nito, gaya ng [parusa sa] pangangamkam at pag-uugnay ng kaangkanan sa hindi ama. 2. Ang Maliliit na Kasalanan. Ang mga ito ay ang mga pagsuway na walang nasaad hinggil sa mga ito na isang takdang parusa ni banta. Maaaring maging malalaking kasalanan ang mga ito sa pamamagitan ng pagpupumilit sa mga ito at pagpapatuloy sa mga ito, gaya ng pagtingin sa babaing estranghera at tulad nito.