Ang [pagdalangin ng] basbas sa Propeta (basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan) ay isang dakilang pagsamba. Ito ay isang pagpaparangal sa kanya at isang pagtatampok mula kay Allāh (pagkataas-taas Siya). Kabilang sa mga anyo ng pananalita nito ay ang pagsabi ng: "Ṣalla -llāhu `alayhi wa sallam (Basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan)." Ang pinakamaikli na sasapat ay ang pagsabi ng: "Allāhumma, ṣalli `alā Muḥammad (O Allāh, basbasan Mo si Muḥamad)." Ang pinakamainam dito ay ang ṣalāh ibrāhīmīyah. Ito ay ang pagsabi ng: "Allāhumma ṣalli `alā muḥammadin wa `alā āli Muḥammad, kamā ṣallayta `alā ibrāhīma wa `alā āli ibrāhīm, innaka ḥamīdum majīd. Allāhumma bārik `alā muḥammadin wa `alā āli muḥammad, kamā bārakta `alā ibrāhīma wa `alā āli ibrāhīm, innaka ḥamīdum majīd. (O Allāh, basbasan Mo si Muḥammad at ang mag-anak ni Muḥammad gaya ng pagbasbas Mo kay Abraham at sa mag-anak ni Abraham; tunay na Ikaw ay Kapuri-puri, Maluwalhati. O Allāh, pagpalain Mo si Muḥammad at ang mag-anak ni Muḥammad gaya ng pagpapala Mo kay Abraham at sa mag-anak ni Abraham; tunay na Ikaw ay Kapuri-puri, Maluwalhati.)" Ang kahulugan ng: "O Allāh, basbasan mo siya" ay "ipagbunyi Mo siya sa Pinakamataas na Konseho sa piling ng mga anghel na pinalapit [sa Iyo].
Kabilang sa mga saligan ng pananampalataya ang pananampalataya sa mga propeta at mga sugong mararangal na isinugo ni Allāh (kamahal-mahalan Siya at kapita-pitagan); ang paniniwala na sila ay mga sugo Niya sa katotohanan at mga propeta niya sa katapatan at na si Allāh (pagkataas-taas Siya) ay nagpadala sa kanila sa mga tao kalakip ng patnubay at katotohanan bilang mga tagapagbalita ng nakagagalak na gantimpala Niya at mga tagapagbabala ng parusa Niya; ang paniniwala na sila ay nagsagawa sa ipinagkatiwala, nagpayo sa mga kalipunan nila, at nagpaabot ng ipinag-utos sa kanila ni Allāh na ipaabot ayon sa kabuuan at kalubusan; na ang sinumang tumalima sa kanila, siya ay kabilang sa mga maninirahan sa Paraiso, at ang sinumang sumuway sa kanila, siya ay kabilang sa mga maninirahan sa Impiyerno; ang paniniwala sa kahigitan nila, kaangatan ng pumapatungkol sa kanila, at kataasan ng halaga nila, at na si Allāh (kamahal-mahalan Siya at kapita-pitagan) ay humalal sa kanila, pumili sa kanila, at nagbukod sa kanila higit sa mga tao yayamang naglaan Siya sa kanila ng mensahe Niya at nagtangi Siya sa kanila higit sa mga nilalang; ang paniniwala sa pagkakahigitan sa pagitan nila, na ang pinakahigit sa mga sugo at mga propeta ay ang mga may pagtitika kabilang sa kanila, at na ang pinakahigit sa mga may pagtitika ay si Muḥammad (basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan). Ang pananampalataya sa mga propeta at mga sugo ay hindi makaiiwas sa apat na bagay: 1. Ang pananampalataya na ang mensahe nila ay totoo mula kay Allāh (pagkataas-taas Siya); 2. Ang pananampalataya sa sinumang nalaman natin ang pangalan kabilang sa kanila at sa pangalan nito, at ang sinumang hindi natin nalaman ang pangalan kabilang sa kanila ay sasampalataya tayo roon sa kabuuan sapagkat tunay na si Allāh ay may mga sugo at mga propeta na walang nakaaalam sa mga pangalan nila kundi Siya (kaluwalhatian sa Kanya); 3. Ang paniniwala sa anumang naging tumpak buhat sa kanila kabilang sa mga ulat nila, mga kalamangan nila, mga katangian nila, at mga kasaysayan nila kasama ng mga tao nila, gaya ng paggawa ni Allāh kay Abraham (sumakanya ang pagbati ng kapayapaan) bilang matalik na kaibigan at kay Muḥammad (basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan) bilang matalik na kaibigan, ng pakikipag-usap ni Allāh kay Moises sa isang pakikipag-usap, pagpapasilbi ng mga bundok kay David at ng mga hangin kay Solomon (sumakanila ang pagbati ng kapayapaan), at iba pa roon; 4. Ang pagsasagawa sa Batas ng isinugo sa atin kabilang sa kanila, ang pangwakas sa kanila na si Muḥammad (basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan), ang isinugo sa lahat ng mga tao.
Ang pagsasanggalang ay pangangalagang legal na pinagtitibay para sa tao kaya ipinagbabawal dahil dito [na mapinsala] ang buhay niya, ang ari-arian niya, at ang dangal niya maliban dahil sa isang karapatan gaya ng ganting-pinsala (qiṣāṣ) at tulad nito. Ito ay dalawang bahagi: 1. Ang pagsasanggalang sa Muslim, at ang dahilan nito ay ang pagbigkas niya ng dalawang pagsaksi (shahādatān). 2. Ang pagsasanggalang sa Kāfir na pinangangalagaan (dhimmīy), at pinagtitibay ito para sa kanya sa pamamagitan ng katiwasayan at kasunduan mula sa mga Muslim, at tungkulin ng pinuno ang pangangalaga sa kanila laban sa bawat sinumang nagnanais sa kanila ng kasamaan sa mga buhay nila o mga ari-arian nila o mga dangal nila. Hinahati ng ilan sa mga faqīh ang pagsasanggalang na ito sa dalawang uri: 1. Pagsasanggalang na nagbibigay-halaga, na sa pamamagitan nito ay may pagbibigay-halaga na napagtitibay para sa tao, ari-arian niya, at dangal niya, kung saan kinakailangan ang ganting-pinsala (qiṣāṣ), ang bayad-pinsala (diyah), at ang garantiya (ḍamān) laban sa sinumang lumabag dito, gaya ng pagkapatay sa Muslim. 2. Pagsasanggalang na nagbibigay-sala, na nagkakasala ang sinumang lumabag dito ngunit hindi nangangailangan laban sa kanya ng ganting-pinsala (qiṣāṣ), ni bayad-pinsala (diyah), ni garantiya (ḍamān), gaya ng pagkapatay sa sinumang pinagbawalan tayo na patayin gaya ng mga anak ng mga nakikidigma [laban sa atin], ng mga babae nila, at ng mga matanda nila.
Ang mga may pagtitika kabilang sa mga sugo ay ang mga propeta ni Allāh (pagkataas-taas Siya) na mga hinirang sa Sangkatauhan at pinakamapangilag magkasala sa kanila kay Allāh (pagkataas-taas Siya). Ginawa nga ni Allāh ang ilan sa mga sugo na higit na ganap kaysa sa iba at itinangi Niya ang ilan sa kanila higit sa iba. Ang dahilan niyon ay na si Allāh (pagkataas-taas Siya) ay nagtatangi ng sinumang itinangi Niya mula sa kanila dahil sa pagbibigay sa kanya ng isang kabutihang hindi ibinigay sa iba pa sa kanya o dahil sa pag-aangat sa antas niya higit sa antas ng iba pa sa kanya o dahil sa pagsisikap niya sa pagsamba kay Allāh (pagkataas-taas Siya), pag-aanyaya tungo kay Allāh, at pagsasagawa niya ng utos na ipinagkatiwala sa kanya. Kabilang sa mga ito ang mga May Pagtitika. Tinawag silang mga May Pagtitika dahil sila ay nagtiis sa pananakit ng mga tao nila, nagtiis sa mga pasakit at mga pagod, at bumata ng higit kaysa sa iba sa kanila. Ang kahulugan ng pagtitika na ipinagbunyi sila ni Allāh (pagkataas-taas Siya) at itinangi Niya sila dahil doon ay ang determinasyon (`azm), ang pagtitiis (ṣabr), at ang lakas (qūwah). Ang tinutukoy ng pagtitiis ay ang pagtitiis sa mga pasanin ng mensahe, katapatan sa pagganap nito, at pagbata sa mga pasakit nito, at ang pagtitiis sa pananakit ng mga pinagsuguan kalakip ng pagkadesidido sa pag-aanyaya, at ng pagkaseryoso at lakas sa pagganap sa mensahe at pagpapaabot nito. Kabilang sa mga aspeto ng pamumukod at pagkalamang ay na si Noe (sumakanya ang pagbati ng kapayapaan) ay namukod dahil siya ay ang unang sugo na isinugo ni Allāh at dahil siya ay ang ikalawang ama ng sangkatauhan. Ang lahat ng mga propeta na dumating matapos niya ay lahat kabilang sa mga supling niya. Namukod si Abraham (sumakanya ang pagbati ng kapayapaan) dahil siya ay matalik na kaibigan ng Napakamahabagin at dahil si Allāh ay nagparangal sa kanya ng mga himalang sarisari saka naglagay sa mga supling niya ng pagkapropeta at kasulatan. Napuno naman ang mga puso ng mga nilikha ng pag-ibig sa kanya at ang mga dila nila ng pagbubunyi sa kanya. Namukod si Moises (sumakanya ang pagbati ng kapayapaan) dahil siya ay Kausap ni Allāh, dahil siya ay pinakadakila sa mga propeta ng mga anak ni Israel, dahil ang batas niya at ang kasulatan niya, ang Torah, ay sanggunian ng mga propeta ng mga anak ni Israel at mga pantas nila, at dahil ang mga tagasunod niya ay ang pinakamarami sa mga tagasunod ng mga propeta maliban sa Kalipunan ni Muḥammad (basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan). Hinggil naman kay Jesus (sumakanya ang pagbati ng kapayapaan), namukod siya dahil si Allāh (kaluwalhatian sa Kanya) ay nagbigay sa kanya ng mga malinaw na katibayan na nagpapatotoo sa katapatan niya at dahil siya ay Sugo ni Allāh sa totoo sapagkat ginawa siya Nito na magpagaling ng ipinanganak na bulag at ng ketongin at magbigay-buhay sa mga patay ayon sa pahintulot ni Allāh. Kumausap siya sa mga tao habang nasa lampin pa noong bata pa at umalalay sa kanya ang Espiritu ng Kabanalan. Hinggil naman kay Muḥammad (basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan), Siya ay ang pinakamainam sa mga sugo nang walang-takda, ang pangwakas sa mga propeta, ang pinuno ng mga tagapangilag magkasala, ang pinapanginoon ng anak ni Adan, ang may-ari ng tayuang pinapupurihan na kaiinggitan ng mga una at mga huli, ang may-ari ng watawat ng papuri at lawang inuman, ang mapagpamagitan sa mga nilikha sa Araw ng Pagbangon, at ang may-ari ng kaparaanan at kalamangan na ipinadala sa kanya kalakip ng pinakamainam sa mga kasulatan. Isinabatas para sa kanya ang pinakamainam sa mga batas ng relihiyon niya at ginawa ang kalipunan niya na pinakamabuti sa mga kalipunan na pinalabas para sa mga tao.
Ang Ebanghelyo ay ang aklat na pinababa ni Allāh (pagkataas-taas Siya) kay Jesus (sumakanya ang pagbati ng kapayapaan) bilang tagapaglubos sa Torah, bilang tagapag-alalay roon, bilang tagasang-ayon doon sa higit na marami sa mga usaping pambatas. Nagpapatnubay ito tungo sa landasing tuwid. Naglilinaw ito sa katotohanan mula sa kabulaanan. Nag-aanyaya ito sa pagsamba kay Allāh lamang nang walang iba pa sa Kanya. Ang Ebanghelyo ay hindi naglaman kundi ng kaunting patakaran. Ang karamihan sa mga patakaran na sinusunod dito ay ang nasa Torah. Matapos ng pag-angat kay Jesus (sumakanya ang pagbati ng kapayapaan) at ng saklaw ng pag-aakala ng mga Kristiyano at pagpapalagay nila na siya raw ay namatay, pumasok ang pagpilipit sa Ebanghelyo sapagkat may binago rito, pinalitan, idinagdag, at ibinawas. Ang makalangit na aklat na tagapagpawalang-bisa sa nauna rito ay ang Marangal na Qur'ān. Ang mga ebanghelyong isinasaalang-alang sa ganang mga Kristiyano ay apat: ang Ebanghelyo ni Juan, ang Ebanghelyo ni Marcos, ang Ebanghelyo ni Mateo, at ang Ebanghelyo ni Lucas. Hinggil naman sa mga nilalaman ng mga ebanghelyong ito, maaaring hatiin ang mga iyon sa limang paksa. Ang mga ito, sa madaling salita, ay gaya ng sumusunod: 1. Ang mga Kuwento. Umuukupa ang pinakamalaking parte sa mga ito at tumatalakay ang mga ito sa kuwento ni Kristo (sumakanya ang pagbati ng kapayapaan) simula ng pagkapanganak sa kanya, pagkatapos ng pangangaral niya, pagkatapos ng kamatayan niya raw sa krus at paglibing sa kanya, pagkatapos ng pagkabuhay niya raw mula sa libingan, pagkatapos ng pag-akyat niya sa langit alinsunod sa pag-aangkin nila. 2. Ang mga Paniniwala. Pumupokus ito, unang-una, hinggil sa pagkadiyos ni Kristo at sa pagkapropeta niya kay Allāh at pagtatakda sa mga pundasyon ng pinilipit na paniniwalang Kristiyano. Ang pinakahigit sa mga ebanghelyo sa katahasan sa pagtatakda niyon ay ang Ebanghelyo ni Juan. 3. Ang Batas. Naiintindihan mula sa mga ebanghelyo na ang mga ito ay kumilala sa Batas ni Moises (sumakanya ang pagbati ng kapayapaan) maliban sa nasaad buhat kay Kristo hinggil sa pagsususog niyon o pagpapawalang-bisa sa mga limitadong usapin, na ang mga ito ay ang diborsiyo, ang ganting-pinsala ng mga sugat, at ang pagbato ng babaing nangalunya. 4. Ang mga kaasalan. Naiintindihan mula sa mga ito ang pagpapakalabis-labis at ang pagpapasobra-sobra sa ideyalismo, pagpaparaya, pagpapaumanhin, at pagtumbas sa masagwa ng maganda. Hindi naman pumipigil ito sa pagkakaroon ng ilan sa mga teksto sa mga ebanghelyo na nananawagan ng pakikipaglaban gayon pa man ang bahagi ng ideyalismo at pagpaparaya ay ang pinakanananaig. 5. Ang Pag-aasawa at ang Pagbuo ng Mag-anak. Hindi pumansin ang mga ebanghelyo nang madalas sa usapin ng pag-aasawa subalit naiintidihan mula sa mga ito sa pangkalahatan na ang di-nakikipagtalik na walang-asawa ay higit na malapit kay Allāh kaysa sa may-asawa na nakikipagtalik. Ang mga ebanghelyong ito na nasa mga kamay ng mga Kristiyano ay hindi idinikta ni Jesus (sumakanya ang pagbati ng kapayapaan) at hindi bumaba sa kanya bilang kasi subalit ang mga ito ay isinulat matapos niya. Naglaman din ang mga ito ng mga salungatan at mga pagkakaiba-ibahan, ng pagmamaliit sa Panginoon (kaluwalhatian sa Kanya at pagkataas-taas Siya), ng pag-uugnay ng mga kapangitan sa mga propeta (sumakanila ang basbas at ang pagbati ng kapayapaan), at ng mga bulaang paniniwalang sumasalungat sa kapahayagan at kaisipan dahilan sa pagpilipit nila. Ang mga aklat na ito ay walang tagasuportang dokumentong nakarugtong sa mga pinag-uugnayan ng mga ito. Sila ay mga nagkakaiba-iba hinggil sa kasaysayan ng pagsulat sa mga ito ayon sa maraming opinyon. Kabilang sa nagsagawa ng pagpilipit sa Ebanghelyo at pagpapalit nito ay ang gawa ni Pablo (ang Hudyong si Saul). Ang Ebanghelyo, matapos ng pagpilipit, ay naging isang paghahalo ng mga pilipit na paniniwala na hindi nakilala ni Kristo (sumakanya ang pagbati ng kapayapaan) ni ng mga disipulo niya. Bagkus Ito ay naging nakabatay sa tatlong pundasyon: ang Trinidad, ang [Pagpapako sa] Krus, at ang Pagtubos at ang Paghuhukom ni Kristo sa mga Tao. Isinagawa ang awtorisasyon ng apat na ebanghelyong ito sa ganang mga Kristiyano sa bisa ng pasya ng konseho Nicea noong taong 325.