Ang Ijtihād ay isang daan mula sa mga daan ng paghinuha ng mga patakaran ng Sharī`ah at ng pagtalos sa mga ito mula sa mga patunay na pambatas. Ito ay ang pagkakaloob ng hurista ng kapangyarihan niya sa paghuhulo ng kahatulan mula sa mga kahatulan ng mga usaping pansangay kaya walang Ijtihād sa anumang nalaman mula sa relihiyon nang kinakailangan gaya ng pagkakailangan ng mga Salāh at pagiging lima ng mga ito. Hinati ng mga maalam sa dalawang bahagi ang Ijtihād na nagaganap sa Sharī`ah alinsunod sa pagkaisinasabatas nito: A. Ang Ijtihād na Maituturing sa Batas. Ito ay ang Ijtihād na namumutawi buhat sa mga nakaaalam na alagad nito, na naisakatuparan ang mga kundisyun nito. Ang mga kundisyon nito ay dalawang uri: 1. Panlahat. Ito ay ang kasapatang-gulang, ang [pagkaanib sa] Islām, at ang katarungan; 2. Pantangi. Ito ay ang kakayahan sa pagsusuri at pag-alam sa pamamagitan ng mga paraan ng Ijtihād at mga panuntunan ng paghuhulo at mga kaparaanan nito gaya ng pagkakaalam sa Qur'ān, Sunnah, wikang Arabe, mga Saligan ng Fiqh, at iba pa rito. B. Ang Ijtihād na Hindi Maituturing sa Batas. Ito ay ang Ijtihād na namumutawi nang walang pagsasaalang-alang sa mga kasangkapan ng Ijtihād at mga paraan nito, kaya ang bawat pananaw na namutawi sa paraang ito ay walang pag-aalangan sa hindi pagtuturing dito dahil ang reyalidad nito ay na ito ay isang pananaw sa pamamagitan ng payak na pagnanasa at mga motibo at isang pagsunod sa pithaya.