Ang pananampalataya sa mga kasulatan ay isang saligan kabilang sa mga saligan ng pinaniniwalaan (`aqīdah) at isang haligi kabilang sa mga haligi ng pananampalataya (īmān). Hindi natutumpak ang pananampalataya ng isang tao malibang sumampalataya siya sa mga kasulatan na pinababa ni Allāh (pagkataas-taas Siya) sa mga sugo Niya (sumakanila ang pagbati ng kapayapaan). Ang tinutukoy ng mga kasulatan ay ang pinababa ni Allāh (pagkataas-taas Siya) sa mga sugo Niya bilang awa sa mga nilikha at bilang kapatnubayan para sa kanila upang marating nila sa pamamagitan ng mga ito ang kaligayahan nila sa Mundo at Kabilang-buhay. Ang pananampalataya sa mga ito ay naglalaman ng ilang usapin: 1. Ang paniniwala at ang pagpapatotoo na ang mga ito ay pinababa mula sa ganang kay Allāh (kamahal-mahalan Siya at kapita-pitagan) sa mga sugo Niya patungo sa mga lingkod Niya kalakip ng katotohanang malinaw at patnubay na ikalilinaw; na ang mga ito ay Salita ni Allāh (kamahal-mahalan Siya at kapita-pitagan) hindi salita ng iba pa sa Kanya, na si Allāh (pagkataas-taas Siya) ay nagsalita sa pamamagitan ng mga ito sa reyalidad kung paano Niyang niloob sa paraang ninais Niya; at na ang mga ito ay katotohanan at katapatan, at nasa mga ito ang patnubay, ang liwanag, at ang kasapatan para sa mga pinagbabaan ng mga ito. 2. Ang paniniwala at ang pagkalugod sa bawat anumang nasa Qur'ān at anumang hindi napilipit mula sa mga kasulatang nauna na mga batas at mga pinaniniwalaan, mga ulat, at mga salaysay; na ang lahat ng mga ito ay nagpapatotoo sa isa't isa; na ang pagpapawalang-bisa ng mga kasulatang nauna: ng ilan sa mga ito sa iba sa mga ito, ay totoo gaya ng pagkapawalang-bisa ng ilan sa mga batas ng Torah; at na ang pagpapawalang-bisa ng Qur'ān sa lahat ng mga kasulatang nauna ay totoo at ang pagpapawalang-bisa ng ilan sa mga talata nito sa iba pa ay totoo. 3. Ang pananampalataya sa anumang pinangalanan na ni Allāh (pagkataas-taas Siya) mula sa mga kasulatan Niya at kabilang doon ang Kalatas (Ṣuḥuf) na pinababa kay Abraham, ang Torah (Tawrāh) na pinababa kay Moises, ang Ebanghelyo (Injīl) kay Jesus, ang Salmo (Zabūr) kay David, at ang Qur’an kay Muḥammad (basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan); at na ang Qur’an ay ang pinakamainam sa mga ito, ang tagapagwakas sa mga ito, at ang tagapagpatotoo sa mga ito, na kinakailangan sa lahat ng mga tao ang pagsunod dito, ang pagpapahatol dito, ang pagsasagawa sa karapatan nito, ang pagtatanggol nito, ang pagbigkas nito, at ang pagbubulay-bulay nito.
Ang Torah ay isang kasulatan mula sa mga makalangit na kasulatan na pinababa ni Allāh (pagkataas-taas Siya) kay Moises (sumakanya ang basbas at ang pagbati ng kapayapaan). Ang tinutukoy nito sa terminolohiya ng mga Hudyo at paniniwala nila sa ngayon ay ang Torah na pinilipit -binago- na inaangkin nila na ito ay limang aklat na isinulat daw ni Moises (sumakanya ang pagbati ng kapayapaan) sa pamamagitan ng kamay niya. Tinatawag nila ito bilang "pentateuch" na pag-uugnay sa [salitang] "penta" na isang salitang Griyego, na nangangahulugang lima: ang limang aklat. Ang limang aklat na ito ay ang Genesis, ang Exodo, ang Levitico, ang Mga Bilang, at ang Deuteronomio. Ang Torah ay pinawalang-bisa at hindi pinapayagan ang paggawa ayon dito dahil si Allāh (pagkataas-taas Siya) ay nagpabatid na ang Qur'ān ay Tagapagsubaybay sa nauna rito na mga kasulatan. Nagpabatid din Siya (kaluwalhatian sa Kanya) na ang mga May Kasulatan kabilang sa mga Hudyo at mga Kristiyano ay pumilipit, nagpalit, at nagpasok sa pananalita Niya ng hindi bahagi nito bilang pagsisinungaling laban sa Kanya at bilang paggawa-gawa.
Ang Qur'ān ay ang kasi na pinababa sa Propeta nating si Muḥammad (basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan). Ito ay Salita ni Allāh (pagkataas-taas Siya), na hindi nilikha, at ang Aklat ng Islām sa mga pinaniniwalaan nito, mga pagsamba nito, mga patakaran nito, at mga kaasalan nito. Ang Qur'ān ay may maraming paglalarawan, gaya ng karangalan, kapangyarihan, kadakilaan, at iba pa rito. Nailarawan ang Qur'ān na ito ay marangal dahil sa ilang dahilan, kabilang sa mga ito: 1. Ang karangalan, ang kapitaganan, at ang kadakilaan ng Tagapagsalita nito (kaluwalhatian sa Kanya at pagkataas-taas Siya); 2. Na dito ay may pagpaparangal sa mga tao at pagtatangi sa kanila higit sa lahat ng mga kalipunan; 3. Na ito ay isang aklat na mapagbigay ng marami sa kabutihan at pagpapala yayamang nagbibigay ito sa tagabasa nito ng gantimpala, kaalaman, at kaasalan; 4. Na ito ay isang binanal na dakilang kapita-pitagang aklat sa mga salita nito at mga kahulugan nito.
Ang Ebanghelyo ay ang aklat na pinababa ni Allāh (pagkataas-taas Siya) kay Jesus (sumakanya ang pagbati ng kapayapaan) bilang tagapaglubos sa Torah, bilang tagapag-alalay roon, bilang tagasang-ayon doon sa higit na marami sa mga usaping pambatas. Nagpapatnubay ito tungo sa landasing tuwid. Naglilinaw ito sa katotohanan mula sa kabulaanan. Nag-aanyaya ito sa pagsamba kay Allāh lamang nang walang iba pa sa Kanya. Ang Ebanghelyo ay hindi naglaman kundi ng kaunting patakaran. Ang karamihan sa mga patakaran na sinusunod dito ay ang nasa Torah. Matapos ng pag-angat kay Jesus (sumakanya ang pagbati ng kapayapaan) at ng saklaw ng pag-aakala ng mga Kristiyano at pagpapalagay nila na siya raw ay namatay, pumasok ang pagpilipit sa Ebanghelyo sapagkat may binago rito, pinalitan, idinagdag, at ibinawas. Ang makalangit na aklat na tagapagpawalang-bisa sa nauna rito ay ang Marangal na Qur'ān. Ang mga ebanghelyong isinasaalang-alang sa ganang mga Kristiyano ay apat: ang Ebanghelyo ni Juan, ang Ebanghelyo ni Marcos, ang Ebanghelyo ni Mateo, at ang Ebanghelyo ni Lucas. Hinggil naman sa mga nilalaman ng mga ebanghelyong ito, maaaring hatiin ang mga iyon sa limang paksa. Ang mga ito, sa madaling salita, ay gaya ng sumusunod: 1. Ang mga Kuwento. Umuukupa ang pinakamalaking parte sa mga ito at tumatalakay ang mga ito sa kuwento ni Kristo (sumakanya ang pagbati ng kapayapaan) simula ng pagkapanganak sa kanya, pagkatapos ng pangangaral niya, pagkatapos ng kamatayan niya raw sa krus at paglibing sa kanya, pagkatapos ng pagkabuhay niya raw mula sa libingan, pagkatapos ng pag-akyat niya sa langit alinsunod sa pag-aangkin nila. 2. Ang mga Paniniwala. Pumupokus ito, unang-una, hinggil sa pagkadiyos ni Kristo at sa pagkapropeta niya kay Allāh at pagtatakda sa mga pundasyon ng pinilipit na paniniwalang Kristiyano. Ang pinakahigit sa mga ebanghelyo sa katahasan sa pagtatakda niyon ay ang Ebanghelyo ni Juan. 3. Ang Batas. Naiintindihan mula sa mga ebanghelyo na ang mga ito ay kumilala sa Batas ni Moises (sumakanya ang pagbati ng kapayapaan) maliban sa nasaad buhat kay Kristo hinggil sa pagsususog niyon o pagpapawalang-bisa sa mga limitadong usapin, na ang mga ito ay ang diborsiyo, ang ganting-pinsala ng mga sugat, at ang pagbato ng babaing nangalunya. 4. Ang mga kaasalan. Naiintindihan mula sa mga ito ang pagpapakalabis-labis at ang pagpapasobra-sobra sa ideyalismo, pagpaparaya, pagpapaumanhin, at pagtumbas sa masagwa ng maganda. Hindi naman pumipigil ito sa pagkakaroon ng ilan sa mga teksto sa mga ebanghelyo na nananawagan ng pakikipaglaban gayon pa man ang bahagi ng ideyalismo at pagpaparaya ay ang pinakanananaig. 5. Ang Pag-aasawa at ang Pagbuo ng Mag-anak. Hindi pumansin ang mga ebanghelyo nang madalas sa usapin ng pag-aasawa subalit naiintidihan mula sa mga ito sa pangkalahatan na ang di-nakikipagtalik na walang-asawa ay higit na malapit kay Allāh kaysa sa may-asawa na nakikipagtalik. Ang mga ebanghelyong ito na nasa mga kamay ng mga Kristiyano ay hindi idinikta ni Jesus (sumakanya ang pagbati ng kapayapaan) at hindi bumaba sa kanya bilang kasi subalit ang mga ito ay isinulat matapos niya. Naglaman din ang mga ito ng mga salungatan at mga pagkakaiba-ibahan, ng pagmamaliit sa Panginoon (kaluwalhatian sa Kanya at pagkataas-taas Siya), ng pag-uugnay ng mga kapangitan sa mga propeta (sumakanila ang basbas at ang pagbati ng kapayapaan), at ng mga bulaang paniniwalang sumasalungat sa kapahayagan at kaisipan dahilan sa pagpilipit nila. Ang mga aklat na ito ay walang tagasuportang dokumentong nakarugtong sa mga pinag-uugnayan ng mga ito. Sila ay mga nagkakaiba-iba hinggil sa kasaysayan ng pagsulat sa mga ito ayon sa maraming opinyon. Kabilang sa nagsagawa ng pagpilipit sa Ebanghelyo at pagpapalit nito ay ang gawa ni Pablo (ang Hudyong si Saul). Ang Ebanghelyo, matapos ng pagpilipit, ay naging isang paghahalo ng mga pilipit na paniniwala na hindi nakilala ni Kristo (sumakanya ang pagbati ng kapayapaan) ni ng mga disipulo niya. Bagkus Ito ay naging nakabatay sa tatlong pundasyon: ang Trinidad, ang [Pagpapako sa] Krus, at ang Pagtubos at ang Paghuhukom ni Kristo sa mga Tao. Isinagawa ang awtorisasyon ng apat na ebanghelyong ito sa ganang mga Kristiyano sa bisa ng pasya ng konseho Nicea noong taong 325.