Ang [pagdalangin ng] basbas sa Propeta (basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan) ay isang dakilang pagsamba. Ito ay isang pagpaparangal sa kanya at isang pagtatampok mula kay Allāh (pagkataas-taas Siya). Kabilang sa mga anyo ng pananalita nito ay ang pagsabi ng: "Ṣalla -llāhu `alayhi wa sallam (Basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan)." Ang pinakamaikli na sasapat ay ang pagsabi ng: "Allāhumma, ṣalli `alā Muḥammad (O Allāh, basbasan Mo si Muḥamad)." Ang pinakamainam dito ay ang ṣalāh ibrāhīmīyah. Ito ay ang pagsabi ng: "Allāhumma ṣalli `alā muḥammadin wa `alā āli Muḥammad, kamā ṣallayta `alā ibrāhīma wa `alā āli ibrāhīm, innaka ḥamīdum majīd. Allāhumma bārik `alā muḥammadin wa `alā āli muḥammad, kamā bārakta `alā ibrāhīma wa `alā āli ibrāhīm, innaka ḥamīdum majīd. (O Allāh, basbasan Mo si Muḥammad at ang mag-anak ni Muḥammad gaya ng pagbasbas Mo kay Abraham at sa mag-anak ni Abraham; tunay na Ikaw ay Kapuri-puri, Maluwalhati. O Allāh, pagpalain Mo si Muḥammad at ang mag-anak ni Muḥammad gaya ng pagpapala Mo kay Abraham at sa mag-anak ni Abraham; tunay na Ikaw ay Kapuri-puri, Maluwalhati.)" Ang kahulugan ng: "O Allāh, basbasan mo siya" ay "ipagbunyi Mo siya sa Pinakamataas na Konseho sa piling ng mga anghel na pinalapit [sa Iyo].
Ang istighfār ay isang dakilang pagsamba maging ito man ay kalakip ng pagkatamo ng pagkakasala o wala nito. Maaaring mangahulugan ito nang namumukod-tangi kaya kumakasing-kahulugan ito sa pagbabalik-loob (tawbah), ang pagkalas sa pagkakasala sa pamamagitan ng puso at mga bahagi ng katawan. Maaaring mangahulugan ito nang nakaugnay sa pagbabalik-loob kaya ang kahulugan ng istighfār ay ang paghiling ng pagsanggalang sa kasamaan ng nagdaan at ang tawbah naman ay ang pagbabalik [kay Allāh] at ang paghiling ng pagsanggalang sa kasamaan ng anumang pinangangambahan niya sa hinaharap mula sa mga masagwa sa mga gawa niya. Nasaad ang istighfār sa sarisaring anyo gaya ng pagsabi ng: "Rabbi -ghfir lī (Panginoon ko, magpatawad ka sa akin.)", pagsabi ng: "Astaghfiru -llāh (Humihingi ako ng tawad kay Allāh.)", at iba pa sa mga ito na mga anyo.