Ang pagkakatay ng hayop ay ang pagpapadaloy ng dugo ng hayop o ang pagpapadanak nito at ang pagbuhos nito sa pamamagitan ng pagbibigay-kamatayan dito. Ang pagkakatay ay may dalawang paraan: maaaring sa pamamagitan ng pagputol sa lalamunan (ḥulqūm) at esopago (marī') – at tinatawag na dhabḥ [sa wikang Arabe ang pagkatay na ito] – o sa pamamagitan ng pagtaga rito sa [tinatawag sa wikang Arabe na] labbah, ang bahaging nasa pagitan ng leeg at dibdib – at tinatawag na naḥr [sa wikang Arabe ang pagkatay na ito]. Ang pinakakaunti [na gagawin] sa dhabḥ ay ang pagputol sa lalamunan, ang daluyan ng hininga, at esopago, ang daluyan ng pagkain at inumin. Ang pinakamataas [na gagawin] ay ang pagputol sa dalawang ito kasama ng dalawang jugular vein (wadj), ang dalawang ugat sa magkabilaang gilid ng leeg. Ang dhabḥ at ang naḥr ay sa sandali ng kakayahan sa [karaniwang pagkatay] ng hayop. Ang ikalawang paraan ay sa pamamagitan ng pagtusok sa isang bahagi mula sa mga bahagi ng katawan nito. Ang paraang ito ay natatangi sa kalagayan ng pagtakas ng hayop at kawalan ng kakayahan [sa karaniwang pagkatay] rito. Lahat ng ito ay kalakip ng pagbanggit ng pangalan ni Allāh sa kapwa pamamaraan.