Ang paglikas ay ang pag-iwan ng bayang sinilangan, na ang tao roon ay nasa gitna ng mga tagatangging sumampalataya, at ang paglipat sa tahanan ng Islām. Ang bayan ng shirk ay ang pinagdarausan ng mga gawain ng kawalang-pananampalataya at hindi pinagdarausan ng mga gawain ng Islām sa isang paraang pangkalahatan. Hinggil sa bayan ng Islām, ito ay ang bayan na pinaglilitawan ng mga gawain ng Islām at ng mga patakaran nito sa isang paraang pangkalahatan. Ang paglikas ay isang gawaing kapita-pitagan. Ang pumapatungkol dito ay dakila at ang nauukol dito ay malaki. Ito ay kabilang sa pinakaprominente sa mga usapin ng pagtangkilik at pagwawalang-kaugnayan dahil sa dulot nito na pag-iingat sa relihiyon at pakikipaghiwalayan sa mga tagapagtambal. Ito ay may maraming bahagi, na ang ilan sa mga ito ay ang sumusunod: A. Ang Unang Paglikas, na papunta sa Ethiopia nang nanakit ang mga tagatangging sumampalataya sa mga Kasamahan [ng Propeta] (ang kaluguran ni Allāh ay sumakanila); B. Ang Ikalawang Paglikas, na mula sa Makkah papunta sa Madīnah; C. Ang Ikatlong Paglikas, ang paglikas ng mga lipi papunta sa Propeta (basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan) upang matuto ng mga batas, pagkatapos babalik sa mga pinamamayanan at magtuturo sa mga kababayan nila; D. Ang Ikaapat na Paglikas, ang paglikas ng sinumang yumakap sa Islām kabilang sa mga naninirahan sa Makkah upang pumunta sa Propeta (basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan), pagkatapos babalik sa Makkah; E. Ang Ikalimang Paglikas, ang paglikas ng mga Muslim matapos ng panahon ng Propeta mula sa bayan ng shirk papunta sa bayan ng Islām at ang tulad niyon; F. Ang Ikaanim na Paglikas, ang pag-iwan sa sinaway ni Allāh. Nahahati naman ito, sa ibang pagsasaalang-alang, sa dalawang bahagi: 1. Paglikas sa pamamagitan ng katawan mula sa isang bayan papunta sa isa pang bayan, gaya ng paglisan mula sa lupain ng kawalang-pananampalataya papunta sa lupain ng Islām, ng paglisan mula sa lupain ng bid`ah papunta sa lupain ng sunnah, ng paglisan mula sa isang lupain na nanaig doon ang ipinagbabawal papunta sa iba pa roon, at iba pa roon na mga uri [ng nililikasan]. 2. Paglisan sa pamamagitan ng puso papunta kay Allāh at sa Sugo Niya; kaya lilikas sa pamamagitan ng puso mula sa pag-ibig sa iba pa kay Allāh papunta sa pag-ibig sa Kanya; mula sa pagpapakaalipin sa iba pa sa Kanya papunta sa pagpapakaalipin sa Kanya; mula sa pangamba sa iba pa sa Kanya, pag-asa roon, at pananalig doon papunta sa pangamba kay Allāh, pag-asa sa Kanya, at pananalig sa Kanya; at ganoon.