Ang pananampalataya sa pagtatakda ay isang dakilang haligi mula sa mga haligi ng pananampalataya, pundasyon ng kaligayahan sa Mundo at Kabilang-buhay, at lihim ni Allāh (pagkataas-taas Siya) sa Sansinukob. Ang kahulugan nito ay ang tiyakang paniniwala sa anumang nauna sa kaalaman ni Allāh (pagkataas-taas Siya) at isinulat ng panulat [ng tadhana] na anumang mangyayari hanggang sa kawalang-hanggan; na ang bawat kabutihan o kasamaan, ito lamang ay dahil sa pagtatadhana ni Allāh at pagtatakda Niya (kaluwalhatian sa Kanya) at alinsunod sa nauna sa kaalaman Niya at hiniling ng karunungan Niya; at na Siya ay ang Palagawa ng ninanais Niya: walang mangyayaring isang bagay malibang dahil sa pagnanais Niya at walang nakalalabas palayo sa kalooban Niya. Ang pananampalataya sa pagtatakda ay naglalaman ng apat na antas: 1. Ang antas ng kaalaman. Ito ay ang pananampalataya na si Allāh ay nakaaalam sa bawat bagay sa kawalang-hanggan kabilang sa anumang nangyari at anumang mangyayari, at kabilang sa anumang hindi nangyari kahit papaano man mangyari sa kabuuan at sa detalye. 2. Ang antas ng pagtatala. Ito ay ang pananampalataya na si Allāh ay nagtala ng bawat bagay sa Tablerong Pinag-iingatan. 3. Ang antas ng kaloobang natutupad at kakayahan Niyang sumasaklaw. Ito ay ang pananampalataya na walang nagaganap na anuman sa Sansinukob na kabutihan o kasamaan malibang dahil sa kalooban ni Allāh at pagnanais Niya. 4. Ang antas ng paglikha at pagpapairal. Ito ay ang pananampalataya na ang lahat ng mga umiiral ay mga nilikha para kay Allāh, at na Siya ay Tagalikha ng mga gawa nila at mga katangian nila.