Ang dhikr ay pagsamba ng dila at puso. Ito ay kabilang sa pinakamadali sa mga gawain at mga pagtalima. Naglalaman ito ng pagbubunyi ng tao sa Panginoon niya (kamahal-mahalan Siya at kapita-pitagan), maging ito man ay sa pamamagitan ng pagpapabatid tungkol sa sarili ni Allāh o mga katangian Niya o mga gawain Niya o mga patakaran Niya o sa pamamagitan ng pagbigkas mula sa Aklat Niya o sa pamamagitan ng paghingi sa Kanya at pagdalangin sa Kanya o pagpapasimula ng pagbubunyi sa kanya sa pamamagitan ng pagbabanal sa Kanya, pagpaparingal sa Kanya, pagpapahayag ng kaisahan Niya, pagpupuri sa Kanya, pagpapasalamat sa Kanya, pagdakila sa Kanya, o sa pamamagitan ng pagdalangin ng basbas sa Sugo Niya (basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan). Lahat ng iyon sa paraan ng pagpapakalapit-loob kay Allāh at paghiling ng gantimpala Niya.
Ang istighfār ay isang dakilang pagsamba maging ito man ay kalakip ng pagkatamo ng pagkakasala o wala nito. Maaaring mangahulugan ito nang namumukod-tangi kaya kumakasing-kahulugan ito sa pagbabalik-loob (tawbah), ang pagkalas sa pagkakasala sa pamamagitan ng puso at mga bahagi ng katawan. Maaaring mangahulugan ito nang nakaugnay sa pagbabalik-loob kaya ang kahulugan ng istighfār ay ang paghiling ng pagsanggalang sa kasamaan ng nagdaan at ang tawbah naman ay ang pagbabalik [kay Allāh] at ang paghiling ng pagsanggalang sa kasamaan ng anumang pinangangambahan niya sa hinaharap mula sa mga masagwa sa mga gawa niya. Nasaad ang istighfār sa sarisaring anyo gaya ng pagsabi ng: "Rabbi -ghfir lī (Panginoon ko, magpatawad ka sa akin.)", pagsabi ng: "Astaghfiru -llāh (Humihingi ako ng tawad kay Allāh.)", at iba pa sa mga ito na mga anyo.