Ang limang ṣalāh ay ang mga ṣalāh na inobliga ni Allāh (pagkataas-taas Siya) sa mga lingkod Niya limang ulit sa isang araw. Ang mga ito ay ang mga ṣalāh sa đuhr, `aṣr, maghrib, `ishā’, at fajr. Napagtibay nga ang pagkakinakailangan ng mga ito sa Qur'ān, Sunnah, at Ijmā`. Ang mga ito ay kinakailangang nalalamang bahagi ng Relihiyon, na tumatangging sumampalataya ang tagapagkaila nito at ang tagapag-iwan nito dala ng pagwawalang-bahala. Ito ay ang pinakamahalaga sa mga tungkulin at ang pinakamainam sa mga ito matapos ng dalawang pagsaksi (shahādatān). Ito ang ikalawang haligi mula sa Limang Haligi ng Islām. Ang ṣalāh, noong unang isinatungkulin ni Allāh sa mga lingkod Niya, ay limampung ulit sana nang ipinanik ang Propeta nating si Muḥammad (basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan) [sa langit]. Pagkatapos pinagaan ito sa limang ulit ni Allāh para sa mga lingkod Niya dahil sa pamamagitan ng Propeta nating si Muḥammad (basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan). Kaya ito ay limang ulit sa gawain at limampung ulit sa gantimpala.
Ang ṣalāḥ ay ang tukod ng relihiyon at ang pinakadakila sa mga haligi ng Islām matapos ng shahādatān. Ang sinumang nangalaga rito, siya ang maligaya. Ang sinumang nagsayang nito at nagpabaya nito, siya ang malumbay na mapagmatigas. Nag-utos nga si Allāh ng pangangalaga rito at nag-utos Siya ng pagpapanatili nito sa maraming talata [ng Qur'ān]. Ang tagapag-iwan nito nang sadyaan ay nahahantad sa kaparusahan ni Allāh (pagkataas-taas Siya), pagkainis Niya, at panghihiya Niya sa Mundo at Kabilang-buhay. Ang pag-iwan sa ṣalāḥ nang sadyaan ay nahahati sa dalawang bahagi: 1. Ang pag-iwan sa ṣalāḥ kalakip ng pagkakaila sa pagkakailangan nito. Ito ay kawalang-pananampalataya. 2. Ang pag-iwan sa ṣalāḥ dala ng pagwawalang-bahala at katamaran hanggang sa pumasok ang oras ng ṣalāḥ na matapos nito. Ito rin ay kawalang-pananampalataya ayon sa mga tahas na malinaw na patunay. Ito ay ang pahayag nina `Umar, `Alīy, at Jābir (malugod si Allāh sa kanila), at ng iba pa sa kanila kabilang sa mga Kasamahan [ng Propeta]. May nasaad din ayon sa kanila na mga tumpak na isnād. Walang nalalaman na iisang Kasamahan na nagsabi ng kasalungatan niyon. Nagsaysay ng pagkakaisa ng pahayag ng mga Kasamahan hinggil doon ang hindi iisa sa mga maalam. Ang ikalawang pahayag ay na ito ay isang malaking kasalanan at isang mabigat na pagkakasala at pinapatay ang tagapag-iwan nito subalit hindi siya nagiging tagatangging sumampalataya. Ito ay ang doktrina (madhhab) ng Mālikīyah at Shāfi`īyah. Ang ikatlong pahayag ay na ito ay isang malaking kasalanan at isang mabigat na pagkakasala at na ang tagapag-iwan ay ikukulong hanggang sa mamatay o magbalik-loob subalit siya ay hindi nagiging tagatangging sumampalataya. Ito ay ang doktrina ng Ḥanafīyah. Hinggil naman sa nakaiwan nito dahil sa isang maidadahilan kabilang sa mga maidadahilan, gaya ng pagkatulog o pagkalimot o iba pa rito, hanggang sa nakalabas ang oras nito, siya ay mabibigyang-dahilan at kailangan sa kanya ang bayad-pagsasagawa rito kapag nakaalaala siya nito.