Wuḍū' - وُضوءٌ

Ang wuḍū' ay ang paggamit ng tubig na naipandadalisay (ṭaḥur) – ang tubig na dalisay (ṭāhir) sa sarili nito at tagapagdalisay ng iba – sa mga itinakdang bahagi [ng katawan]: ang mukha, ang mga kamay, ang mga paa, at ulo, at ang pagpapaabot ng tubig sa mga ito ayon sa isang itinakdang paraan. Ito ay ang paghuhugas ng mukha, mga kamay, mga paa, at ang pagpapahid sa ulo nang may layunin ng pagsamba kay Allāh (pagkataas-taas Siya), maging ito man ay para sa pag-alis ng ḥadath o pagpapanibago ng ṭahārah o iba pa rito. Ang pamamaraan ng pagsasagawa ng lubos na wuḍū' ay na magsimula ang tao sa tasmiyah kaya magsasabi siya ng: "bismi -llāh (sa ngalan ni Allāh)." Maghuhugas siya ng mga kamay niya dahil siya ay hahawak sa mga ibang bahagi ng katawan sa pamamagitan ng mga ito. Ang Propeta (basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan) noon, kapag nagsimula siya ng wuḍū' niya, ay nagbubuhos ng tubig sa mga kamay niya at naghuhugas ng mga ito bago magpasok ng mga ito sa lalagyan [ng tubig]. Tinitiyak niya ang paghuhugas ng mga kamay pagkagising mula sa pagkatulog. Pagkatapos nagmumumog siya, sumisinghot siya [ng tubig], at nagsisinga siya [ng tubig na sininghot]. Ang pagmumumog (maḍmaḍah) ay ang magpasok ng tubig sa bibig at ang magpagalaw nito, pagkatapos ang magpalabas nito. Ang pagsinghot (istinshāq) ay ang pagpapasok ng tubig sa ilong. Ang pagsinga (istinthār) ay ang pagpapalabas nito mula sa ilong. Pagkatapos naghuhugas siya ng mukha niya. Pagkatapos naghuhugas siya ng mga kamay niya mula sa mga dulo ng mga daliri hanggang sa mga siko niya at isinasama niya ang mga siko sa paghuhugas. Nagsisimula siya sa kanang kamay at isinisingit niya [ang mga daliri] sa kabilang mga daliri. Pagkatapos binabasa niya ang mga palad niya at ipinapahid niya ang mga ito sa ulo niya nang isang ulit, sinasaklaw niya sa pamamagitan ng mga ito ang ulo niya. Ang tinutukoy ng pagsaklaw ay ang magpahid sa buong ulo at hindi ang magpaabot ng tubig sa bawat buhok. Ang pinakamainam ay ang maglagay ng mga palad niya sa unahan ng ulo niya pagkatapos padadaanin ang mga ito papuntang batok niya at pababalikin muli hanggang sa unahan ng ulo niya. Ang babae ay gaya ng lalaki roon. Pagkatapos naghuhugas siya sa mga paa niya. Nagsisimula siya sa kanang paa niya saka hinuhugasan niya ito hanggang sa bukungbukong, pagkatapos hinuhugasan niya ang kaliwang paa gayon din. Ipinapasok niya ang mga daliri [ng kamay] sa mga daliri ng mga paa. Ginagawa niya ang lahat ng iyon nang isa o dalawa o tatlong ulit maliban sa pagpapahid sa ulo sapagkat isang ulit [lamang ito].

Isinalin sa: Ang Balarila ng Wikang Ingles Ang Wikang Pranses Ang Wikang Turko Ang Wikang Urdu Ang Wikang Indonesiyano Ang Wikang Ruso البرتغالية Ang Wikang Bangla Ang Wikang Tsino Ang Wikang Persiyano Tagalog الهندية الماليبارية التلجو تايلاندي